Naglabas nitong Sabado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang administrative order na in-institutionalize ang recovery, reconstruction at rehabilitation efforts para sa Marawi City na nasira noong kasagsagan ng tinaguriang Marawi Siege.
Inilabas ni Marcos ang Administrative Order 14 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong December 22 na naglalayong i-streamline ang mga ahensya ng pamahalaan upang mapabilis pa ang proseso ng rehabilitasyon ng Marawi City at iba pang apektadong lugar.
Kasama rin sa AO ang pagdirekta sa Task Force Bangon Marawi na tapusin na ang kanilang operasyon ngayong araw at iimplementa ang “functus officio” sa March 31, 2024.
“In order to reduce delays due to redundant and superfluous bureaucratic layers in the National Government and to accelerate reconstruction and recovery efforts in the City of Marawi and other affected localities, the Administration is actively pursuing the rationalization of the functional structures of government agencies in order to promote efficiency and organizational coherence in the bureaucracy consistent with the Rightsizing policy,” saad ng AO ng Pangulo.
“To ensure institutional stability, it is imperative to institutionalize and strengthen the functions of implementing government agencies involved in the reconstruction and rehabilitation efforts in the City of Marawi and other affected localities,” dagdag nito.
Ang AO 14 ay nagbibigay direktiba sa mga ahensya ng gobyerno upang pabilisin at siguruhin na matatapos ang mga proyekto nito.
Sa ilalim ng AO, ang Department of the Interior and Local Government ang mangangasiwa ng peace and order sa Marawi City habang ang Department of Human Settlements and Urban Development naman ang mangunguna sa pagkumpleto ng housing projects sa lugar.
“The Department of Public Works and Highways was also ordered to coordinate the complete restoration of public utilities such as water and electricity and the repair and re-construction of public buildings and infrastructure,” saad naman ng Presidential Communications Office.
Samantala, ang Department of Health at ang Department of Social Welfare and Development ang mangangasiwa para sa mga kailangan ng mga residente gaya ng healthcare, sanitation, pagkain at iba pang basic needs.
Ang Department of Trade and Industry naman ang magbibigay ng livelihood activities para sa mga residente.
Kung matatandaan, sinabi ni Marcos sa kanyang 2023 State of the Nation Address na nagsisimula nang makabangong muli ang Marawi.
“Nanunumbalik na ang sigla sa pamayanan. Maraming proyekto ang nakumpleto at mga imprastrakturang naitatayo. Kasalukuyan na tayong nagpoproseso ng tulong pinansyal para sa mga biktima ng Marawi siege upang sila ay makapagsimula muli. Nawa’y mamayani ang pag-asa. Nawa’y magpatuloy ang pagkakaisa, pagmamatyag, at paghahangad ng kapayapaan at kaunlaran,” saad ni Marcos.