Hinahanting ngayon ng mga otoridad ang isang taxi driver na naging viral sa social media kung saan nakitang naningil umano ito ng mahigit P10,000 sa kanyang foreigner para lang maghatid mula sa NAIA Terminal 3 papuntang Terminal 4.
Kita sa video na inabot sa pasahero ang isang fare matrix kung saan nakalagay umano ang singil sa taxi depende sa destinasyon at nakalagay umano roon na ang pasahe papuntang Terminal 1 ay P11,500, Terminal 2 ay P12,000, Terminal 3 P13,500, Terminal 4 at Any Part of Metro Manila ay P10,300.
Hindi naman kita sa video ang body number o plaka nang sasakyan.
Ayon kay LTFRB spokesperson Celine Pialago, nag-umpisa na ang imbestigasyon ng ahensya at Manila International Airport Authority sa insidente at isang netizen ang nagsabing nanggaling umano ang video sa isang group page kung saan siya at nobyo niya ay parehong miyembro.
Sa ngayon, hindi pa namamataan sa airport ang sinasabing taxi, saad ni Pialago.
“For sure taxi driver ito dahil sabi doon sa post ‘yung guard daw po witihin the vicinity ang nagtawag sa kaniya. So, those are part of the initial investigation po,” saad ni Pialago sa isang panayam.
Iniimbestigahan naman ngayon ng MIAA ang balitang itinuro umano ng isang security guard ang Taiwanese passenger sa airport taxi na malakas maningil.
“Lahat po ng nangyayari sa vicinity ng airport, MIAA na po ang gumagawa ng investigation. Kami naman po sa LTFRB ang naghahanap doon sa driver upang mabigyan siya ng multa,” saad ni Pialago.
Paliwanag niya, ang multa sa first offense ay P5,000 habang ang second offense ay may P10,000 na multa at posibleng ma-impound ang sasakyan. Ang third offense naman ay may multang P15,000 at possible cancellation ng franchise at revocation ng lisensiya.