Ginunita ng mga opisyal ng pamahalaan ang ika-160 anibersaryo ng kapanganakan ng bayaning Katipunero na si Andres Bonifacio kahapon. Umabot naman sa 160 ang altapresyon ng mga motoristang naipit sa EDSA bago mag-Monumento sa Kalookan dahil isinara ang ilang kalye sa paligid ng rotonda na pinagdusan ng pagtitipon, kaya walang madaanan palabas sa lugar ang maraming sasakyan.
Alas-8 ng umaga ang simula ng seremonya para sa taunang okasyon at alas-11 pa binuksan ang mga sinarang kalye. Ilang oras hindi gumalaw ang mga pribadong sasakyan, delivery truck at mga bus sa kahabaan ng EDSA malapit sa Monumento kaya naman marami ang nagalit.
Bagaman inanunsyo ng pamahalaang lokal ng Kalookan sa social media ang pagsasara ng mga daan at nag-abiso sa mga motorista na umiwas sa lugar o dumaan sa alternatibong ruta, marami ang hindi nakabasa sa post.
Sa panayam ng isang TV news outlet sa mga nabitag ng pagsasara ng mga kalye sa may Monumento kahapon ng umaga, may tsuper ng taxi na nagreklamong nasayang ang kanyang gasolina. May driver ng truck na may kargang karne ng baboy ang nag-alala na masira ang kanilang dala. Isa namang ama ang nagsabing hindi na sila nakapahinga ng kanyang asawa dahil naroroon pa rin sila.
Mahaba ang pila ng sasakyan na hindi gumagalaw at naghihintay na umusad. Wala naman mga traffic aide na sana’y nagpalihis sa mga sasakyan sa mga alternatibong ruta.
Sadyang perwisyo ang nangyari sa mga motorista dahil sa hindi pinag-isipan o ipinilit na pagsasara ng mga daan para may daraanan ang mga dadalong opisyal ng bayan sa monumento ni Bonifacio. Kung mga Katipunero sila ay marahil nag-alsa na rin sila tulad ng ginawa ni Andres laban sa mga guwardiya sibil ng mga Kastila noon.
Kung tutuusin, hindi dapat nangyari ang palpak na pagsasara ng mga daanan roon dahil inilipat na ang paggunita ng Araw ni Bonifacio nitong Lunes, Nobyembre 27. Sa araw na iyon, na walang pasok, dapat idinaos ang seremonya. Hindi na lang sana nag-holiday ng Lunes at Huwebes ang walang pasok para magaan ang trapiko sa lugar at hindi marami ang naperwisyo.
Dapat laging isaalang-alang ng mga nagsasara ng daan at naglilihis ng trapiko ang kapakanan ng mga motorista. Wala dapat ma-perwisyong taumbayan sa mga pasya nila. Sa madaling salita, kailangang gamitin nila ang kataas-taasang kokote nila nang hindi sila lumikha ng kataas-taasang kapalpakan.
Ang karapatan ng taumbayan ang dapat mauna, pahalagahan at pangalagaan ng mga namumuno imbes na yung kaginhawaan nila.