Iniulat ng mga otoridad nitong Huwebes na isang maliit na gasolinahan sa Bongabon, Nueva Ecija ang sumabog at nasunog at ang isang truck driver na nagsasalin noon ng gasolina, nagtamo ng mga pasa.
Base sa mga paunang ulat, nangyari ang insidente gabi ng Nobyembre 29, kung saan makikita sa isang video na isa-isa na ring sumasabog ang mga linya ng kuryente na naabot ng sunog.
Sinabi ng isang residente na naganap ang pagsabog isang araw bago magbukas ang micro gas station.
Binulabog ang mga residente ng malakas na pagsabog bandang 10 p.m.
“Nagsasalin po ‘yung truck ng gasolina roon sa mismong station, bigla naman pong sumabog. Isang sabog lang siya tapos apoy na agad, sobrang laking sunog na agad,” sabi ng isang nakasaksi.