Pinalaya ng mga teroristang Hamas ang isang Pinoy na caregiver nitong Biyernes alinsunod sa kasunduan ng grupong namamahala sa Gaza Strip at Israel na magpalitan ng bihag at magkaroon ng tigil-putukan nang apat na araw sa teritoryong Palestino.
Kabilang si Gelienor “Jimmy” Pacheco, 37 anyos, sa 24 na dinukot ng Hamas sa Israel nang atakihin nila ito at patayin ang 1,200 sibilyan doon noong Oktubre 7.
Kabilang rin sa pinalayang bihag sa Gaza ang 13 Israeli at 10 Thai na ipinasa ng mga Hamas sa mga taga-Red Cross, ayon sa post sa X nitong Sabado ni Majed Al Ansari, tagapagsalita ng foreign ministry ng Qatar.
Nabihag ng Hamas si Pacheco at 239 iba pa nang salakayin ng mga teroristang Palestino ang timog Israel.
Pinarangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Foreign Affairs sa pagtulong na makalaya si Pacheco.
Anang Pangulo nasa ligtas na kalagayan na si Pacheco at kasalukuyang nasa kustodiya na ng embahada ng Pilipipas sa Israel.
“Sumasaludo ako sa Philippine Foreign Service sa pagtatrabaho para sa kanyang paglaya. Nagpapasalamat rin ako sa estado ng Qatar sa kanilang mahalagang pagtulong upang maging posible ang paglaya ni Jimmy,” pahayag ni Marcos.
Samantala, pinalaya ng Israel ang 39 bilanggong Palestino kapalit ng pagpapalaya kina Pacheco.
Magpapalaya pa ng bihag ang Hamas at ng bilanggong Palestino ang Israel sa mga susunod na araw.
Itinigil din ng Israel ng apat na araw mula Biyernes ang pagtugis sa mga teroristang Hamas alinsunod sa kasunduang niluto sa tulong ng Qatar, United States at Egypt.
Magtutuloy ang opensiba ng Israel laban sa Hamas pagkatapos ng kasunduan.
Mahigit 15,000 tao na sa Gaza ang namatay sa pambobomba ng Israel sa lugar bilang ganti sa atake ng Hamas at pagtugis sa mga terorista bago ang tigil-putukan.
Hindi pa tapos ang laban at tuloy ito hanggang kami ay magwagi, pahayag ni Lieutenant General Herzi Halevi, chief of staff ng Israel.