Padadamihin ng isang malaking parmasya ang produksyon ng gamot pampapayat sa pabrika nito sa Pransya bilang tugon sa lumalaking populasyon ng mga matataba.
Inanunsyo nitong Huwebes ng Novo Nordisk, isang Danish pharmaceutical company, na gagastusan nito ang pagpapalaki sa pabrika sa Chartres sa halagang mahigit 15 bilyon Danish kroner o mahigit 127 bilyong piso.
Natuwa naman si Pangulong Emmanuel Macron sa ibibuhos na puhunan ng nasabing kumpanya sa bansa.
Ayon sa kumpanya, palalakihin ang kapasidad ng planta sa paggawa ng Wegovy, isang injectible para sa mga may diabetes na nagpaparami ng insulin sa katawan at nagpapahina sa ganang kumain.
Umaasa rin ang naturang kumpanya na tuluyan nang maaaprubahan ang Wegovy bilang gamot kontra-obesity sa France sa susunod na taon.
Napapanahon ang gagawin ng Novo Nordisk dahil halos naging triple na ang bilang ng mga naitalang matataba sa mundo simula 1975, at inaasahang tataas pa ito.
Bukod pa rito ay nakikita ng Goldman Sachs, isang financial firm, na sisipa pa ang pandaigdig na merkado para sa mga gamot kontra-obesity sa halagang $100 bilyon pagdating ng 2030.
Kilalang tagagawa ng anti-diabetes at weight-loss drugs tulad ng Semaglutide ang Novo Nordisk na sa kapital na $460 bilyon ay itinuturing na pinakamahal na kumpanya sa buong Europa.