Sugatan ang dalawang pasahero ng isang SUV matapos itong salpukin ng isang 10-wheeler truck sa EDSA southbound lane sa bahagi ng Quezon City nitong Linggo ng gabi.
Base sa paunang ulat, sinabi ng SUV driver na kinilalang si Jonathan Salazar na pauwi na sila ng kanyang asawa at apo sa Mandaluyong nang biglang salpukin ng truck ang kaliwang bahagi ng minamaneho niyang sasakyan.
“Nung nakita ko siya, malayo pa sakin kaya nagulat ako na merong tumama sakin. Pagtama niya sakin, hindi na nga na-kontrol. Pinili ko na lang na maiwas na bumaba ako dito kasi nagitgit na ko e,” sabi ni Salazar.
Sa lakas ng pagkakabangga, halos mayupi ang harapan at kaliwang bahagi ng sasakyan. Umikot din ito at tumama sa mga concrete barrier ng EDSA Busway.
Agad na isinugod sa ospital ang dalawang pasahero matapos magtamo ng bukol at mga galos sa katawan.
Giit naman ng truck driver na may kargang mga gulay, nag-counterflow umano ang SUV sa tinatahak niyang lane. Sa bigat ng dalang kargamento, hindi na niya nagawang pumreno.
“Nasa linya po ako, dahan-dahan po ako kasi mabigat po ‘yung karga ko. Bigla na lang kumaliwa ‘yung kotse, nabigla ako. Hindi naman basta-basta makikita sa truck, mataas ‘yun,” paliwanag ng truck driver.
Mahaharap ang truck driver sa reklamong reckless imprudence resulting to damage of property with multiple physical injuries.