Magandang balita na tumataas pa rin ang tubig sa Angat Dam. Dahil dito, mataas ang pag-asa na magiging sapat ang tubig para sa mga taga-Metro Manila pagdating ng tag-init.
Kasabay ng tag-init ang panahon ng El Nino kaya pihadong napakainit ng susunod na summer kung hindi man mas mainit pa sa lumipas na Marso, Abril at Mayo. Mas mataas ang gamit ng tao sa tubig upang magpalamig kaya maaaring kulangin ang naipon sa Angat Dam. Isa pa, sa laki ng populasyon ng Maynila ay marami ang gagamit ng tubig na maaaring agad ikaubos ng laman ng dam.
Ang panakanakang pag-ulan ay nakakatulong sa pagpuno ng Angat Dam at swerte kung hanggang katapusan ng taon o Enero ay mayroon pa nito. Gayunpaman, kailangan pa rin nating huwag mag-aksaya ng tubig upang umabot ang supply ng tubig sa Angat Dam hanggang sa susunod na tag-ulan. Kung hindi, dadanasin na naman ng mga taga-Metro Manila ang pagrarasyon ng tubig sa mga kabahayan dahil magbabawas ng pagpapadaloy ng tubig sa gripo ang mga water distributor.
Sakali mang humantong dito, hindi naman aabot sa sukdulan ang pagkawala ng tulo ng tubig dahil na rin sa bagong pasilidad ng Maynilad, ang isa sa dalawang taga-supply ng tubig sa Metro Manila.
Bago tumakbo ang nasabing planta, ang proseso ng Maynilad sa pag-recycle ng tubig ay dadalhin ang nagamit na tubig mula sa mga kabahayan patungo sa Maynilad Parañaque Reclamation Facility and New Water Treatment Plant. Mula doon lilinisin ang tubig at ibabalik sa dam.
Sa bagong proseso naman o direct potable reuse, mismong mga nagamit na tubig ang direktang nililinis at tinatanggalan ng mikrobyo sa planta upang masigurong ligtas itong inumin. Pagkatapos ay ibabalik ito sa distribution pumps ng Maynilad imbes na sa dam at dadaloy agad sa mga tubo patungo sa mga kabahayan.
Ang bagong planta ng Maynilad ay nagsu-supply ng tubig-gripo sa dalawang barangay sa Paranaque City sa ngayon. Lumilikha ito ng bagong malinis na tubig na umaabot ng 10 milyong litro kada araw na siyang ginagamit ng 38,700 customer ng Maynilad sa San Dionisio at San Isidro, Paranaque.
Wala namang angal ang mga parokyano ng Maynilad dahil nalasahan na nila ang bagong malinis na tubig at nagustuhan naman nila. Sa katunayan, walang lasa ang tubig kumpara sa nanggaling sa La Mesa dam.
Siguro naman mas maigi nang may ganitong klaseng tubig kaysa wala. Ang malinis at ligtas na tubig ay tiyak na makakapawi ng uhaw.