Aminado ang aktres at beauty queen na si Herlene Budol na talagang nasasaktan siya noon kapag tinatawag siyang “Hipon Girl” kung saan siya nakilala at ayon pa sa kanya, parang nao-offend siya kapag ikinakabit sa pangalan niya ang bansag na “Hipon Girl” lalo na ng mga taong feeling perfect at feeling walang kapintasan sa katawan.
Pero inamin rin niya na unti-unti rin niyang natanggap ang nasabing titulo nang ma-realize niyang magagamit niya ito sa pagtupad sa kanyang mga pangarap at mukhang nakalimutan na nga ng mga tao ang kanyang pagiging “Hipon Girl” dahil mas kilala na siya ngayon ng publiko bilang “Magandang Dilag” dahil nga sa tagumpay ng kanyang afternoon series sa GMA.
Sa isang panayam sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong nagdaang Huwebes, inusisa ni Tito Boy ang aktres kung may sama ba siya ng loob sa pagtawag sa kanya noon ng “Hipon Girl.”
“Noong una po oo. Parang hindi naman deserve ng tumawag sa akin, ha? Nagtatanong din ako sa sarili ko, ‘Ganoon ba ako kapangit?’ Pero lately po noong napagkakakitaan ko na siya, ‘Ay, I love ‘Hipon,”’ sabi ni Herlene.
Malayu-layo na rin ang narating ng showbiz career ni Herlene dahil mula sa pagiging beauconera (laging sumasali sa beauty contest), naging co-host na siya ni Willie Revillame noon sa “Wowowin.”
Itinanghal pa siyang first runner-up with seven special awards nang rumampa sa Binibining Pilipinas 2022. Bukod dito, kinoronahan din siyang Miss Tourism Philippines sa Miss Grand Philippines 2023.
At ngayon nga ay bidang-bida na rin sa kanyang launching series sa GMA 7 na “Magandang Dilag” kasama sina Rob Gomez at Benjamin Alves.
“Ang natutunan ko rito noong tinatawag na akong ‘Magandang Dilag,’ doon ko naramdaman ulit ‘yung respeto. Tapos ngayon, Hipon turned to ‘Magandang Dilag,’ na-boost ulit ‘yung confidence ko na, puwede palang magbago ang isang bagay,” sabi ni Herlene.