Isang bagong-halal na barangay chairman sa isang barangay sa lungsod ng Pagadian ang nasawi matapos siyang barilin ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin sa nasabing probinsya nitong Huwebes.
Kinilala ang biktima na si Ropoldo Dacol na nahalal na kapitan ng Barangay Lapidian sa katatapos lamang na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.
Nakatakda na sanang manumpa nitong Huwebes ni Dacol nang siya ay tambangan at pagbabarilin ng mga salarin.
Base sa mga paunang imbestigasyon, lumalabas na nauna na itong nakatanggap ng banta sa kanyang buhay noong kalagitnaan ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Tatlo umano sa mga ka-line up ng bagong kapitan ang pinalad ding makapasok sa konseho ng barangay at inokupa ang ikalima, ikaanim, at ikapitong puwesto sa konseho.
Sa kasalukuyan, blanko pa rin ang pusliya sa motibo at sa pagkakakilanlan ng suspek, habang nagpapatuloy pa rin follow-up investigation ng pulisya.
Sa Panabo City naman sa Davao del Norte, patay rin sa pamamaril ang isang bagong-halal na barangay chairman ng mga salarin na nakasakay umano sa motorsiklo habang sa Antipas, Cotabato naman, isang bagong halal na kagawad din ang itinumba.
Kinilala ang biktima sa Panabo City na si Paul Albert Saquian, bagong halal na chairman ng Barangay Datu Abdul Dadia.
Ayon sa mga otoridad, dakong 3:00 pm nitong Martes nang pagbabarilin si Saquian habang sakay ng kaniyang kotse. Nakatakas naman ang mga salarin.
“Galing siya sa area dito ng New Visayas pauwi na siya sa kaniyang residence. Upon reaching the place of incident, he was fired by two unidentified person. ‘Yun ang dahilan kung bakit bumangga siya doon sa waiting shed,” sabi ni Panabo City Police chief Major Jun Bautista.
Patuloy pa ang imbestigasyon para matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin. Inaasahan na may bubuuing special investigation task group para tumutok sa kaso.
Patay din sa pamamaril ang bagong halal na kagawad ng Barangay Dolores sa Antipas, Cotabato na si Edmar Perero na binaril umano nitong Huwebes ng madaling araw.
Samantala, sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking natalo sa BSKE matapos niyang undayan ng saksak ang isang kagawad sa Cavite City. Ang suspek, nagdududa kung tunay siyang sinuportahan ng mga kapartido sa eleksyon.
Kita sa CCTV ang pagdating ng suspek na nakabisikleta na si alyas “Ateng,” na sinalubong ng kagawad na si Rodelio Famy Jr. Ilang saglit lang, naglabas si alyas Ateng ng isang kutsilyo at pinagsasaksak si Famy, na tinamaan sa leeg kaya napatakbo.
Humantong ang habulan sa harap ng barangay hall, samantalang kaniya-kaniyang kumuha ng mga panangga ang mga kagawad.