Patuloy ang pagkaantala ng pagtatayo ng riles ng tren papaikot sa Mindanao. Sinikap man ng dating pangulong tubong Mindanao na umpisahang magkaroon na ng matagal na nilang inaasam-asam na serbisyong tren sa rehiyon, tila may sumpa na pumipigil dito.
Kung tutuusin, panahon pa ng kopong-kopong ay naitayo na dapat ito. Ngunit matatapos na ang 2023 ay tila back to square one ang gobyerno.
Nang umupo sa pwesto si dating pangulong Duterte noong 2016, inilunsad niya ang Build Build Build na proyektong imprastraktura at kasama rito ang Mindanao Railway.
Ang unang yugto ng riles na magdurugtong sa Tagum, Davao at Digos ay dapat nasimulan noon pang Enero 2019 ngunit naunsyami ng pandemya. Natapos ang dalawang taong pandemya at umarangkada muli ang 100-kilometrong proyekto nitong nakaraang taon sa ilalim na ng bagong administrasyon. Oktubre 2022 na nang makontrata ang mamamahala sa proyekto, isang consortium na
Intsik. Ngunit hindi kasama sa kontrata ang mismong pagtatayo ng riles.
Lumipas ang isang taon, tengga pa rin ang pagtatayo ng riles dahil umano walang binibigay na contractor ang Tsina na siyang popondo sa proyekto. Umayaw na ang gobyerno sa pautang ng Tsina at kasalukuyang naghahanap ang Department of Transportation ng bagong magpapautang ng P83 bilyon para sa pagsisimula ng pagtatayo ng phase 1.
Ilang buwan o taon pa kaya ang hihintayin ng mga taga-Mindanao upang makasakay ng tren sa kanilang paglalakbay at pagnenegosyo?
Panahon din ng Duterte administration nang umusad ang proyekto para naman sa common station ng tatlong riles sa Metro Manila, LRT 1, MRT-3 at MRT-7.
Taong 2011 pa, panahon ng administrasyong Benigno Aquino III, nang isagawa ang bidding sa proyekto. Dahil sa kontrobersya sa pagpapangalan ng common station, kung sa SM City o sa Trinoma, hindi natuloy ang proyekto noong sumunod na taon.
Taong 2013 nang piliin ng pangulo ang pwesto ng istasyon sa gitna ng dalawang malalaking shopping mall. Subalit nais ilipat ng kalihim ng transportasyon sa tapat ng Trinoma mall ang istasyon kaya napilitang ipatigil ito ng SM sa korte noong 2014.
Taong 2016 na nang mapagkasundo ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang dalawang mall na sa gitna nila itayo ang istasyon. Sumunod na taon nan ang masimulan ang pagtatayo nito.
Subalit 2023 na, hindi pa tapos ang istasyon dahil dalawang taong pandemya naman ang nagpatigil sa pagtatayo nito. Bagaman sinabi ng kasalukuyang kalihim ng transportasyon na sa katapusan ng 2023 matatapos ang istasyon, hanggang ngayon ay di pa ito tapos.
Isang istasyon lang, inabot ng 12 taon ang pagtatayo at hindi pa tapos. Ang haba ng panahon nay an katumbas na ng pagtatayo ng isang buong linya ng riles.
Ilang taon pa kaya ang hihintayin bago matapos ang istasyong ito?