Isang estudyante ang natagpuang patay sa loob ng kanyang inuupahang kuwarto sa Iligan City nitong Huwebes.
Base sa mga paunang imbestigasyon, sapilitan umanong binuksan ang kuwarto ng estudyante matapos i-report ng kapitbahay ang masangsang na amoy na nanggagaling dito.
Nasa state of decomposition na ang katawan ng estudyante, na hinihinalang ginahasa muna bago pinaslang.
Isasailalim sa autopsy ang biktima habang patuloy naman ang imbestigasyon para matukoy ang salarin.
Samantala, naaresto naman ang dalawa sa tatlong suspek sa panghoholdap sa isang coffee shop sa Cebu City at ayon sa mga otoridad, hindi kasabwat ng mga suspek ang kostumer na nakita sa CCTV camera.
Sa kuha ng video ng coffee shop nitong Oktubre 31 sa Salinas Drive sa Lahug, ang isang lalaking kostumer na nagbayad sa kahera sa pamamagitan ng e-wallet.
Maya-maya lang, pumasok na isang suspek na armado ng baril at kinuha ang cellphone ng kostumer. Sunod niyang tinutukan ng baril ang kahera para kunin ang pera.
Nitong November 1, nasakote na ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa Mandaue City, habang tinutugis pa ang isa pa nilang kasamahan.
Malaki umano ang naitulong ng CCTV camera para matukoy ang pagkakakinlan ng mga suspek. Pinayuhan ng mga otoridad ang isa pang suspek na sumuko na.