Umaasa ang Pilipinas na tutulungan ito ng Estados Unidos na madepensahan laban sa atake ng Tsina kung humantong sa digmaan ang hidwaan ng Maynila at Beijing sa West Philippine Sea.
Pilit na inaangkin ng Tsina ang buong South China Sea pati na ang WPS o exclusive economic zone ng Pilipinas at patuloy na hinaharang ang mga barko at bangka na lumalayag dito. Kamakailan lang ay nagkagitgitan ang mga barkong coast guard ng Pilipinas at Tsina roon dahil tinangkang harangin muli ng mga Intsik ang mga Pilipino upang umalis tayo sa sariling teritoryo natin.
Bago ang insidente ng gitgitan na kinondena ng pamahalaan at ng EU, binomba ng tubig ng isang Chinese coast guard vessel ang isang barko ng Philippine Coast Guard na ume-escort ng isang barkong nagdadala ng supply sa mga sundalo sa Ayungin Shoal nitong Agosto.
Habang iginigiit ng Pilipinas ang soberenya nito sa WPS, ganoon rin ang ginagawa ng Tsina at posibleng magkabanatan ang mga barko ng magkabilang panig pag nagkaubusan ng pasensya.
Lumapit na ang ating pamahalaan sa Washington at nagkaroon ng kasunduan ang dalawang bansa na magtalaga ng mga tropang Amerikano sa ilang kampo nito sa kanlurang baybayin upang ipangalandakan sa Tsina na may kakampi tayong superpower na magtatanggol sa Pilipinas sa oras ng kagipitan.
Sa kabila ng pinaigting na Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at EU, inaayos ng Washington ang relasyon nito sa Tsina dahil nais rin ng dalawa na maging malapit sa isa’t isa para sa kapakanan ng kani-kanilang ekonomiya at seguridad.
Kabibisita lang ng foreign minister ng Tsina sa Washington matapos ang pagbisita ng Secretary of State ng EU sa Beijing upang ayusin ang kanilang di-pagkakaunawaan at matinding kompetisyon. Inaayos na ni Antony Blinken at Wang Yi ang pagkikita at pagpupulong ng kani-kanilang lider, sina pangulong Joe Biden at Xi Jinping, sa San Francisco, California para sa Asia-Pacific Economic Cooperation summit.
Sakaling tuloy-tuloy na bumuti ang relasyon ng Tsina at EU, ano ang mangyayari sa kasunduan ng Pilipinas sa Amerika laban sa panghihimasok ng Tsina sa WPS? Maaasahan pa ba ng Maynila ang Washington na tulungan tayong itaboy ang mga Chinese coast guard o navy sa WPS at EEZ?
Hindi maikakaila na mas malaki ang pakinabang ng Amerika sa Tsina kumpara sa Pilipinas dahil ikalawang pinakamalaking ekonomiya ito at mas malaki ang merkadong Intsik sa merkadong Pilipino.
Dahil sa pamamangka ng EU sa dalawang ilog, tila hindi tayo sigurado na may tatakbuhan tayong magtatanggol sa atin sa oras ng gulo sa WPS, lalo na kung magkaigihan ang Beijing at Washington.
Kailangang linawin ng Washington ang kahihinatnan ng MDT nito sa Pilipinas sa kabila ng pakikipagmabutihan nito sa Beijing upang magkaroon ng kasiguruhan o may panghahawakan ang pamahalaan natin pagdating sa proteksyon ng ating soberenya.
Mas maigi marahil na magkaroon rin tayo ng MDT sa Hapon, Australia at United Kingdom para may iba tayong sasandalan kung sakaling hindi maasahan ang EU.