Aminado ang aktres na si Katrina Halili na talagang nagulat siya sa role niya sa latest GMA serye na “Black Rider” dahil hindi lamang pala basta-basta kontrabida ang gagampanan niya sa serye.
Ayon sa aktres, akala niya ay gaganap lang siya bilang isang drug lord sa seryeng pinagbibidahan ni Ruru Madrid na taga-utos lang sa kanyang mga tauhan at alagad, pero skilled sexy assassin pala ang magiging role niya sa bagong action-drama series ng GMA 7 kung saan kailangan pala niyang magpaka-action star.
Pero sinabi ni Katrina na talagang pinaghusayan niya ang kanyang role.
“Medyo nahirapan po ako kasi kailangan kong dumaan sa mga trainings, sa big bikes, mixed martial arts, kung anu-ano. Noong unang tinanggap ko po ito, wala akong idea na ganyan. Ang alam ko po, drug lord lang na mag-uutos-utos,” sabi ni Katrina.
“Super shocked po ako na ang daming trainings po tapos ako po pala ‘yung gagawa ng action, akala ko taga-utos lang po. Una, skeptic po ako sa sarili ko kasi nasanay na po ako sa hapon na nanay, iyak-iyak. Pero noong ginagawa ko na po siya, nae-enjoy ko po siya. Happy po ako, medyo umiksi-iksi na nga po ang katawan ko,” dagdag niya.
Na-pressure rin daw siya sa pagpapapayat nang malaman niya kung sinu-sino ang mga artistang makakasama nila sa serye.
“Siyempre kinundisyon ko ‘yung sarili ko na pumayat ako. Noong nalaman ko na sexy assassin, na-stress na po ako lalo. Tapos kasama ko sina Ruru tapos Matteo, mas lalo po akong na-stress. Sobrang stressed po ako noong nalaman ko kung sino ‘yung mga kasama ko,” pagbabahagi pa ni Katrina.
“Pero okay lang, sa stress na ‘yun, at least pumayat po ako, naging maliksi ulit po ang aking katawan. Ang laking tulong na ibinigay sa akin ang role na Romana para lumapit-lapit ulit ako sa timbang ko dati,” dagdag niya.