Iniulat ng mga otoridad na isang lalaking naaksidente sa motorsiklo ang inaresto ng mga pulis matapos madiskubre na may dala siyang isang replica ng baril at isang tunay na revolver sa Barangay San Jose sa Quezon City.
Ayon sa mga ulat, nakita ang baril na nakasukbit sa baywang ng lalaki habang iniinspeksiyon ng mga pulis.
Tumugon ang kapulisan sa lugar nang makatanggap sila ng ulat tungkol sa dalawang nagkabanggaang motorsiklo.
Bago nito, nakita rin ng mga awtoridad ang isang gun replica sa tabi mismo ng naaksidenteng lalaki.
Nagtamo ng mga sugat sa tuhod at paa ang dinakip na 34-anyos na lalaki matapos ang aksidente.
“Hindi ko po kasi talaga matandaan kasi lasing na lasing po ako tapos ang alam ko lang po nu’n, naaksidente po ako eh,” sabi ng suspek, na itinangging siya ang may-ari ng baril.
Lumabas sa imbestigasyon na hindi lisensiyado ang baril, na isasailalim sa ballistics examination.
Epektibo ang election gun ban hanggang Nobyembre 29.
Mahaharap ang lalaki sa reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code.