Inaresto ng mga otoridad ang isang Chinese national matapos itong mahulihan ng hinihinalang shabu sa pina-deliver nitong pagkain sa Pasay City noong Sabado ng gabi.
Base sa paunang ulat, nasakote ang lalaki habang iniinspeksyon ng guwardya ng gusali ang dala niyang pagkain kung saan nadiskubre ang nasa dalawang gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P13,600.
“Meron silang functioning na mess hall or restaurant inside the building so maybe it cause suspicion dun sa guard kasi may pagkain naman sa loob, tapos nagpa-deliver pa rin siya,” ayon kay Police Maj. Christel Carlo Villanueva, OIC ng Substation 1 ng Pasay CPS.
“Given naman na ganun talaga kahigpit kasi na-raid ‘yung lugar so dapat walang makalusot both coming in and out of the building,” dagdag ni Villanueva.
Lumabas din sa kanilang imbestigasyon na hindi galing sa fast food restaurant ang naturang delivery kundi sa umano’y drug personality mula Las Piñas.
“According to the delivery rider, pinick-up niya ‘yung pagkain from a person and then dineliver. Parang from person to person ‘yung transaction, hindi siya sa fast food,” sabi ni Villanueva.
Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang suspek na mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at iniimbestigahan na rin ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng taong nagpadala ng pagkain.