Tila naapektuhan umano ang aktres na si Chie Filomeno sa isang naging pahayag ng singer-actor na si Kyle Echarri sa variety show na “It’s Your Lucky Day” kamakailan lang.
Sa isang episode kasi, sinabi ni Kyle ang sagot sa tanong kung ano ang desisyon na nagawa nila na pinagsisihan nila dati, pero pinagtatawanan na lang ngayon.
Inamin kasi ni Kyle na ‘yung mga ginawa niya noong sumali siya sa season 10 ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Edition” noong 2021.
“Maging honest lang ako, sa totoo lang, pinagtatawanan ko ngayon ‘yung mga ginawa ko ‘nung PBB,” sagot niya.
Tugon naman sa kanya ni Luis, “Kagaya ng?”
Sambit ng singer-actor, “Panoorin niyo nalang po, nasa YouTube pa rin ‘yun.”
“Basta maraming nangyari doon. Pero palatandaan mga ka-Lucky, lagi kong sinasabi, never regret something that made you smile,” sabi pa ng binata.
Na-hurt umano si Chie sa mga sinabi ng aktor at sinagot niya ito sa kanyang X (dating Twitter) account.
“The amazing human beings inside that house made me understand people more on a deeper level,” sabi ni Chie. “Never magiging katawatawa ang experience ko sa loob ng bahay [smiling face emoji] I will NEVER regret the things that made me smile [smiling face emoji].”
“‘Wag na lang tayo mandamay ng ibang tao para sa sariling benepisyo, tahimik na ang buhay ko eh,” dagdag niya.
May isang netizen naman ang tila itinama ang maling pagkakaintindi umano ni Chie sa naging sagot ni Kyle.
Ayon sa nagkomento, hindi tao ang tinutukoy ng aktor kundi ang mga ginawang kalokohan sa loob ng bahay ni Kuya.
“Iba yata pagkaintindi mo miss @ChieFilomeno sa sinabi ni K.. I don’t think he was pertaining to the people na nakasama niya sa PBB house. It was the thing he ‘did’,” saad ng X user.
Paliwanag pa niya, “Marami naman siyang ginawa eh it could be in a different context than what you’re thinking.”
Sinagot naman siya ni Chie at sinabing wala sanang masasaktan kung sinagot ni Kyle nang maayos ang naging tanong ni Luis.
“Yes madami siya ginawa na tinanong naman ni sir Luis kung ano pero hindi sinagot kahit ISA, dami palang ginawa eh, edi sana sumagot siya, chance na niya yun oh,” reply niya sa netizen. “If he was just CAREFUL with the words he used wala namang maapektuhan. Tao lang din ako masasaktan at masasaktan.”
“I did nothing but protect his name because I still care. Pero parang ang tagal naman ng pangbabastos po to [smiling face emoji],” dagdag pa niya.