May dalawang solusyon sa mataas na presyo ng bigas ang sumulpot.
Ipinahayag ng gobernadora ng Cebu na makapagbebenta ang kanyang pamahalaan sa probinsya ng bigas sa presyong P20 lamang kada kilo bilang pagtupad ng pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nangangampanya pa siya.
Ayon kay Gob. Gwen Garcia, bumili sila sa mga lokal na magsasaka ng palay sa mas mataas na presyo gamit ang P100 milyong pondo at ibebenta naman nila ang bigas mula rito sa mas mababang halaga. Tiyak na maraming hikahos na pamilya ang makikinabang rito. Plano ni Garcia na unahing pagbentahan ang mga mahihirap.
Bagaman sa maikling panahon ay mauubos rin ang ganitong subsidized na bigas, maganda na rin ang ginawa ni gobernadora para sa mga mamamayan. Bihira ang ganitong pagkakataon sa panahong mataas ang inflation rate.
Samantala, ibinalita ni Pangulong Marcos kamakailan na nakagawa ng isang uri ng bigas na may mababang glycemic index ang mga mananaliksik sa International Rice Research Institute sa Laguna at South Asia Regional Center sa India.
Ang unang batch ng tinatawag na ultra-low glycemic rice ay may GI na 44 kumpara sa karaniwang bigas na 70 hanggang 92 GI. Bagay itong kainin ng mga may diabetes upang hindi lumala ang ganitong karamdaman na sakit ng maraming Pilipino.
Hindi naman ang pagkain ng kanin mula sa ganitong uri ng bigas ang mismong solusyon sa mataas na presyo ng bigas. Iminumungkahi lamang ng pag-imbento ng nasabing bigas na dapat magbawas sa ordinaryong kanin ang mga may diabetes upang makaiwas sila sa side effects ng bigas na may mataas na GI.
Kung magbabawas sila sa pagkain ng kanin ay mababawasan rin ang gastos nila sa bigas.
Kung tutuusin, ang gawing kumain ng kauting kanin ay karaniwan na sa mga parokyano ng karinderya na naghahain ng isang tasang kanin. Bagaman mas mahal ang lutong kanin kaysa bigas, makakamura pa rin ang mga mamimili na kakain lamang ng isang tasang kanin sa agahan, tanghalian o hapunan.
Sa madaling salita, kailangan lang magbawas sa pagkain ng kanin upang mabawasan rin ang binibling bigas.
Kaya sa mga Pilipino, mag-isang tasang kanin na lang muna tayo. Pwede ring dalawang tasang kanin para sa mga may extra budget na pambili ng bigas.
Sa panahong mataas ang mga presyo ng bilihin, nararapat lamang na magtipid sa pagbili ng pagkain at ibang pangangailangan ng pamilya upang magkasya ang budget.