Apat na ang bilang ng migranteng Pilipino na walang-saysay na pinatay ng mga teroristang Palestino sa Israel.
Halos lahat ng biktima ay mga caregiver o nag-aalaga ng mga matatandang Israeli. Ngunit sa nangyari sa kanila, hindi na sapat na tawagin silang caregiver. Sila ay lifegiver dahil nagbuwis sila ng buhay. Ganyan kabigat ang tungkulin at kinakaharap ng mga nakikipagsapalarang Pilipino sa magulong mundo ng Palestino at Hudyo.
Kailangan bang isakripisyo ng mga migranteng Pilipino ang kanilang buhay para lang makapagtrabaho at kumita para sa ikabubuhay ng kanilang pamilya sa Pilipinas? Ang sagot dito ay isang malaking HINDI.
Paano pa nila masusuportahan ang kanilang mga anak kung patay na sila. Sapat na na magbigay sila ng aruga sa mga inaalagaan at hindi ang kanilang sariling buhay.
Sa mga pumatay kila Loreta Alacre, Angeline Aguirre, Paul Vincent Castelvi at Grace Prodigo Cabrera, kailangan bang idamay sila sa kanilang hidwaan sa mga Israeli?
Walang kinalaman ang mga Pilipino sa anumang pang-aapi na dinadanas ng mga Palestino sa mga Israeli kaya walang dahilan na idamay ang mga migranteng Pilipino sa pinaghihigantiang mga Israeli.
Isa pa, nagsisilbi rin ang ibang migranteng Pilipino sa mga taga-Gaza o may pamilya sila sa mga asawang Palestino.
Ngayong kabilang ang mga Pilipino sa mga biktima ng genocide na kagagawan ng mga teroristang Hamas, marapat lamang na mabigyan ng hustisya ang kanilang pamilya.
Mahirap marahil makipaglaban sa mga kasapi ng Hamas na armado at ganadong pumatay ng kahit sino. Ngunit kailangang makamit nila ang katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Hindi lamang mga Israeli at Pilipino ang pinagpapatay ng mga militanteng Palestino nang atakihin nila ang Israel noong Oktubre 7. Sa mga ibang biktimang mula sa ibang bansa, tiyak na maghahabol din ang kani-kanilang pamahalaan upang matamo ang hustisya at katahimikan ng mga pamilya ng pinaslang na kababayan nila.
Kailangang kumilos ang ating sariling gobyerno upang papanagutin ang mga walang-awang pumaslang sa apat na Pilipino at ang mga papatayin pa nila na huwag naman sana.
Malaking hamon ito sa mga kinauukulan subalit nararapat. Ang tanong na lang ay kung paano nila ito gagawin, paano nila hahabulin ang mga teroristang Hamas na nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay.