Tapos na nga ba talaga ang tapatan nina Renz at Franco, ang mga katauhan nina Joshua Garcia at Jeremiah Lisbo sa malapit na ring magwakas na “Unbreak My Heart”?
Sa nasabing tele-drama kasi, si Garcia ang makulit, mapusok at bagong kasintahan ni Xandra, ang katauhan ni Gabbi Garcia. Si Lisbo naman, ang ex-boyfriend ni Xandra na pinagseselosan ni Renz. Nung nahuli na timbog ni Xandra na ang nanay niyang si Rose, ang katauhan ni Jodi Sta.Maria ay naka-relasyon pala ni Renz, naging kakampi at ginamit-gamit nito si Franco para sa kanyang paghihiganti sa ina at kasintahang sadyang mapglaro.
Sa totoo lang, pasok talaga sa bangang magtapatan sina Joshua at Jeremiah. Parehong matangkad, check. Ang titikas at panalo ang tindig, double check. Matitigas ang mga lean muscle, triple check. At kapwa magandang lalaki.
Kaya nga ang sarap gurlisan nitong si Xandra, di ba? Sobrang ganda talaga. Pinag-aagawan at pinagkakaguluhan ng mga binatang perpektong ehemplo ng tunay na Pilipinong lalaki.
Ang inyong lingkod, tinanong si Joshua na kung kaibigan niya si Renz, ano ang maipapayo niya rito? Tugon ng tinaguriang pinaka-mahusay na aktor ng kanyang henerasyon: “Kakausapin ko, siyempre. Pero parang hindi ako magbibigay ng kahit na anong payo. Matigas kasi ang ulo ni Renz, di ba? Kahit tatay niya nga di niya sinunod. So, hahayaan ko na lang. Andito lang naman ako palagi para sa kaibigan ko.”
Sa parehong tanong, ang gagawin naman ni Lisbo kung sakaling hihingi ng payo sa kanya si Franco: “Gusto ko siyang bigyan ng advice dahil hindi niya nakikita yung ginagawa niyang mali. Pero bilang kaibigan niyang tapat at totoo, hahayan ko na lang na pagdaanan niya yung journey niyang yun. Baka kasi plano yung ng Panginoon para sa kanya. Na magkamali siya, para meron siyang matutunan.”
Sa tawag na best actor of the present generation, flattered si Joshua. Ikinalulugod niya yun, ikinatutuwa pero hiyang-hiya pa rin siya. Namumula pa nga ang pisngi nito nung tinanong ito tungkol dito. Marami pang gustong gawin ang binata na mga katauhang exciting at out of the box at malaki ang pasasalamat niya sa mga humahanga sa kanyang talento at pagiging aktor. Mas lalo pa niyang pagbubutihan ang pagbibigay buhay sa mga katauhang ibinibigay sa kanya.
Patotoo sa husay at galing ni Garcia, ang Diamond Star Maricel Soriano, isa siya sa mga relatively batang aktor na nais nitong makatrabaho sa malapit na hinaharap. Ang deskripsyon nga ni Inay Marya kay Joshua eh “yung parang si John Lloyd (Cruz)”. Ang bongga di ba?
Si Jeremiah naman, dahil nga sa Unbreak, eh talagang nahahasa ang kanyang talento bilang aktor. Kita naman ang marked improvement niya. May isa pang on-line drama si Lisbo, sa “Fractured” kung saan siya naman ang tinik sa puso ng dalawang magkaibigang babae.
Palakpakan na may kasamang sigawan para kay Joshua Garcia at Jeremiah Lisbo. Dahil sa inyong tikas, tindig at talento, mas naging mahuhusay ang mga pangunahing aktres na inyong mga kasama sa show, sina Jodi Sta. Maria at Gabbi Garcia.
Tiyak na pakatutukan at susubaybayan pang lalo ang huling limang linggo ng “Unbreak My Heart” sa GMA at Viu.