Inihayag ng Philippine National Police na pumalo na sa 15 ang naitalang validated election-related crimes 13 araw bago ang gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30, 2023.
Ayon sa PNP, may kabuuang 85 mga insidente ang naitala ng kapulisan sa loob ng election period para sa naturang halalan.
Sinabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr., ang 15 insidenteng may kaugnayan sa nalalapit na eleksyon ay kinabibilangan ng 11 pamamaril, dalawang kidnapping, isang grave threat at isang indiscriminate firing.
Habang nabiktima naman ng mga ito ay anim na incumbent barangay captains, isang incumbent barangay councilor, dalawang kandidato sa pagka-barangay captain, apat na kamag-anak ng kandidato, isang tagasuporta ng kandidato, at apat na sibilyan.
Samantala, sa kabila nito ay patuloy namang tinitiyak ni Acorda na puspusan ang ginagawang pagsusumikap ng PNP upang masigurong magiging mapayapa ang idaraos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa buong Pilipinas.