Hanggang ngayon ay marami pa ring mga Pilipino ang naiipit sa Gaza kung saan naging sentro na ito ng kaguluhan matapos ang ginawang pag-atake ng militanteng grupong Hamas sa bansang Israel nitong nakaraan.
At dahil hindi pa rin makauwi sa Pilipinas, namumuhay ngayon sa takot ang ilang mga Pilipinong naiwan pa sa Gaza at ang nakakalunos pa ay panis na tinapay na umano ang kanilang naging baon sa paglikas nila.
Ayon sa isang Filipino na kasama sa mga lumikas para makaalis ng Gaza na ang oat bread na dala nila na medyo panis na ang kanilang kinakain.
“Oat bread na nadala namin noon nung pagtakas namin. Ito na lang kinakain medyo nga panis-panis na nga. May dala kaming mga bottled water,” sabi ng Pinoy.
“Ang hirap po ng kalagayan namin,” dagdag naman ng isang Pinay na umaasang mabubuksan na ang Rafah border sa Egypt para makalabas sila ng Gaza.
Hindi lang ang mga nais na makaalis ng Gaza ang naghihintay na mabuksan ang border dahil nakaabang din ang United Nations na maghahatid naman ng tulong sa loob ng Gaza tulad ng mga pagkain, tubig, gamit at petrolyo.
Umaasa naman ang Departmenrt of Foreign Affairs na papayagan ng Egypt ang mga dayuhan na makalabas ng Gaza lalo na ngayong itinaas ng Pilipinas ang alerto sa nasabing bahagi ng Israel sa Level 4, na mandatory na ang evacuation sa mga Filipino na naroon.
“DFA is hopeful for a diplomatic solution to be reached soonest in order for the Rafah crossing to start receiving foreign nationals, so that our kababayans in Gaza will be allowed to cross into Egypt,” ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega.
“From there, our teams will work on their repatriation to the Philippines,” dagdag niya.
Ang mga Pinoy na maililikas mula sa Gaza, dadalhin muna sa Egypt bago sila iuuwi sa Pilipinas. Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration, magkakaloob sila ng financial assistance sa mga uuwing Filipino.
“P50,000 per OFW, per family. Kung sa probinsya sila uuwi, bibigyan natin ng transportation kahit eroplano pauwi,” ayon kay OWWA Administrator Arnell Ignacio.
Sana naman ay maging mabilis ang pagresponde ng mga ahensya ng pamahalaan upang masigurong maiuwing ligtas ang ating mga kababayan mula sa nangyayaring kaguluhan sa Gaza.