Tumaas na ng isang piso ang minimum na pamasahe sa pampublikong jeepney simula kahapon.
Ang dating P12 minimum fare sa jeepney ay P13 na, bagaman hindi naningil ang ibang tsuper ng dagdag na pasahe.
Ang minimum na pamasahe naman sa mga modernong jeepney ay P15 na mula sa dating P14, bagaman ang ibang tsuper ng de-aircon na sasakyan ay P12 lamang ang singil na minimum fare.
Ayon sa patakaran ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board, kailangang may taripa mula sa ahensya na nakapaskil sa loob ng sasakyan bago makapaningil ng bagong halaga ng pamasahe. Ngunit dahil provisional lamang ang pagtataas, sinabi ng LTFRB na maaaring maningil ang mga tsuper kahit walang taripa.