Sumiklab ang digmaan ng grupong Hamas ng Gaza at bansang Israel nitong Sabado matapos paulanan ng libu-libong rocket ng mga militanteng Palestino ang ilang siyudad sa Israel.
Lumusob rin ang mga taga-suporta ng Hamas sa iba-ibang siyudad ng Israel at inatake ang mga mamamayang Hudyo nitong Sabado. Marami silang napatay sa pagpasok sa mga bahay-bahay at sapilitang isinama ang iba pa para gawing hostage.
Sa ulat ng CNN, may 350 na ang namatay sa panig ng Israel. Daan-daan rin ang napatay na Palestino ng mga sundalong Israeli na umatake na rin sa Gaza.
Isang 11-storey na gusali ang pinabagsak ng mga Israeli sa Gaza at patuloy ang kanilang pambobomba sa siyudad ng mga Palestino.
Sinimulang ilikas ng militar ng Israel ang lahat ng mga nakatira malapit sa Gaza kahapon habang libu-libong sundalong Hudyo naman ang nakipagbakbakan sa mga lumusob na Palestino. Kumikilos rin ang mga sundalo upang patayin ang lahat ng terorista and upang mabawi ang mga nakidnap na mga Israeli.
Samantala, wala pang naiulat na namatay o nasaktan na Pilipino sa Israel, ayon sa Department of Migrant Workers.
Naka-monitor ang ahensya sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa Israel upang siguruhin ang kanilang kaligtasan, pahayag ng OIC ng DMW na si Hans Leo Cacdac.
Sinabi ni Cacdac na may mga OFW na nagtago sa mga shelters at ang iba naman ay lumikas sa mas ligtas na lugar sa Israel.
Bumuo na rin ng task force ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration upang matulungan ang mga Pilipino sa Israel.
Mayroon na ring contingency plan na ikinasa ang Department of Foreign Affairs para sa mga Pilipinong nagtatrabaho roon.
Tinatayang may 30,000 Pilipino ang nasa Israel bilang caregiver, hospitality workers at inhinyero. Marami rin sa kanila ay nasa healthcare sector.
Sinabi ni DFA Assistant Secretary Paul Cortes.
Paniniwala ng embahada ng Pilipinas na hindi pa kailangang ilikas ang mga OFW sa Israel.
Ayon naman kay DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Eduardo de Vega, kaunti lamang ang Pilipinong nagtatrabaho sa Gaza at nakikipag-ugnayan ang embahada sa kanila.