Papapelan ni Carla Abellana ang pagiging guro, si “Becky,” na isasapalaran ang sariling buhay mailigtas lang ang kanyang mga estudyante.
Ayon sa Kapuso actress, sa teleseryeng “Black Rider” ay marami siyang pagdadaanan upang mabigyan ng proteksyon ang tatlong estudyante niya na hinablot ng mga buhong.
“Kung ako nga po nakapag-guest nang napaikli lang po eh kahit papaano, may mga ganitong occupational hazard, paano pa ‘yung regular cast ‘di ba?” wika ni Carla sa report ng GMA News.
“It just comes to show na hindi po biro ‘yung trabaho, seryoso po sila, passionate po sila sa trabaho nila, pinaghuhusayan nilang lahat,” aniya. “Kaya intense kung intense, dun makikita s’yempre ‘yung pagka-action-packed nung show na ‘Black Rider.’”
Puring-puri naman si Carla sa lead star ng show na si Ruru Madrid dahil sa ipinapakita nitong propesyunalismo at respeto sa mga katrabaho sa set.
Aniya, “ate” ang tawag ni Rury sa kanya, bukod sa pagiging maalalay nito kahit aligaga sa kanyang sariling mga eksena. “Yun bang parang he makes sure na OK ka lang, kumbaga komportable ka,” wika ni Carla.
Tampok rin sa “Black Rider” sina Yassi Pressman, Kylie Padilla, Matteo Guidicelli, Jon Lucas, Rainier Castillo at Katrina Halili.