Inihayag ng Philippine Coast Guard for the West Philippine Sea nitong Huwebes na aksidente umano ang nangyaring pagbangga ng foreign commercial vessel na isang crude oil tanker sa bangka ng mga mangingisdang Pinoy sa bahagi ng Pangasinan na ikinasawi ng tatlong katao.
Ayon kay PCG-WPS official Commodore Jay Tarriela, napag-alaman nilang aksidente ang nangyari batay na rin sa inisyal na imbestigasyon na kanilang isinagawa nitong nakaraan.
Dagdag pa niya, lumalabas na hindi umano sinadya o wala umanong intensyon na banggain ang bangka na kinalulunanan ng mga mangingisdang Pinoy at aksidente umano talaga ang nangyari.
Sinabi rin ni Tarriela na tumutugma ang mga testimonya ng nakaligtas na mga mangingisda na nang nangyari ang insidente ay masyadong madilim ang bahagi ng karagatan kung saan naroon ang kanilang mother board, masama ang lagay ng panahon kaya may posibilidad na hindi nga sila napansin ng malaking barko.
Nilinaw rin ng PCG na wala umanong kinalaman ang sigalot sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea sa nangyaring insidente at malayo sa Bajo de Masinloc ang pangyayari kundi mas malapit ito sa bahagi ng Pangasinan.
Sinabi pa ni Tarriela na lumalabas din sa kanilang mga data na isang nautical highway ang bahagi ng karagatan kung saan naglagay ng payao ang mga mangingisda.
Ibig sabihin, sadyang daanan ng marami at malalaking barko ang nasabing lugar.
Dahil dito, sinabi ni Tarriela na para sa mga susunod na hakbang, imumungkahi nila na huwag mangisda o maglagay ng payao sa mga lugar na nagsisilbing nautical highway ng mga barko.
Samantala, patuloy naman ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng PCG sa may-ari ng foreign oil tanker na nakabangga sa Filipino fishing boat.
Sabi ni Tarriela, kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa port state control ng Singapore kung saan tinatayang patungo ang naturang foreign vessel.
Dagdag pa niya, posibleng dumaong na ang naturang vessel sa Singapore at inaasahang magsasagawa ng kaukulang imbestigasyon ang mga port state control officers nito sa pakikipag-ugnayan pa rin ng PCG.
Kung maaalala, tatlong Pilipinong mangingisda ang nasawi matapos na mabangga ng oil tanker na Pacific Anna na may flag ng Marshall Islands ang Fiilipino fshing boat na sinasakyan ng mga ito.
Kabilang sa mga nasawi ay ang 47-year-old na kapitan ng bangka, at dalawang crew members nito.