Iniulat ng Philippine Coast Guard nitong Miyerkules na tatlong mangingisdang Pilipino ang namatay matapos umanong banggain ang kanilang bangka ng isang pinaniniwalaang foreign commercial vessel habang bumibiyahe sa karagatang sakop ng Scarborough Shoal.
Sinabi ng PCG na ibinahagi ng isang crew ng FFB DEARYN na nangyari ang insidente bago magmadaling araw noong Lunes, Oktubre 2 kung saan nakadaong umano ang bangkang Pinoy sa layong 85 nautical miles hilagang-kanluran ng Scarborough Shoal nang mabangga ito ng hindi pa matukoy na commercial vessel.
Lumubog ang bangka na nagresulta sa pagkamatay ng 47-anyos na kapitan nito at dalawang tripulante, edad 38 at 62. Pawang mga taga-Zambales ang mga biktima.
Sa isang assessment report, sinabi ng PCG na isang oil tanker na nakarehistro sa Marshall Islands ang nakabangga sa bangka ng mga biktima.
Samantala, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mananagot ang mga responsable sa insidente at sa isang pahayag, sinabi ng Pangulo na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.
“We are deeply saddened by the deaths of the three fishermen, including the captain of the fishing vessel. The incident is still under investigation to ascertain the details and circumstances surrounding the collision between the fishing boat and a still unidentified commercial vessel,” sabi ng Pangulo.
“We assure the victims, their families, and everyone that we will exert every effort to hold accountable those who are responsible for this unfortunate maritime incident,” dagdag niya.
Hinikayat naman niya ang publiko na hayaan ang Philippine Coast Guard na mag-imbestiga at iwasan ang mga espekulasyon.
“Rest assured that the government will provide support and assistance to the victims and their families,” saad pa ni Marcos.
Ayon naman kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, posibleng natutulog ang mga mangingisdang Pinoy nang maganap ang insidente.
“Malamang hindi nakita ito, tulog ‘yung ibang crew members kaya hindi naka-survive,” sabi ni Balilo.
Dagdag pa niya, tutukuyin nila ang uri at sukat ng commercial vessel na bumangga sa bangka ng mga mangingisda, bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.
“Titignan nating mabuti kung ano ‘yung mga circumstances dito sa insidente, gaano kalaki ‘yung barko, ‘yung mga locals ba ay hindi nila nakita, at siyempre ‘yung lagay din ng panahon para mag-contribute dun sa visibility nu’ng area,” saad ni Balilo.