Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo na aabot umano sa 66 na mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023 ang mahaharap sa disqualification caases dahil umano sa premature campaigning.
Sinabi ni Comelec chairperson George Garcia, nasa 1,955 show cause order na ang inilabas ng poll body sa mga kandidato ng BSKE noong Sabado at sa naturang bilang, 228 na kandidato na ang tumugon.
Dagdag pa niya, mayroon ding daw 104 na reklamo ang ibinaba dahil wala silang factual basis.
Paliwanag pa ng Comelec chief, iba-iba ang mga dahilan ng mga kaso ng disqualification, kung saan may mga kandidatong nagho-host ng raffle draws, habang ang iba ay nagpo-post ng mga campaign materials na kinabibilangan ng kanilang mga pangalan at posisyon na kanilang tinatakbuhan.
Gumagamit din ng social media ang ilang kandidato para mangampanya bago ang opisyal na campaign period na itinakda mula Oktubre 19 hanggang Oktubre 28.
Sinabi ni Garcia na nakatakdang magsampa ng pormal na disqualification cases ang Comelec sa darating na linggo.
Ang mga ito ay ira-raffle sa iba’t ibang dibisyon ng Comelec upang magsagawa ng mga pagdinig, at ang mga desisyon sa mga kaso ay inaasahang ilalabas bago ang BSKE sa Oktubre 30.
Kung matatandaan, pinalawig na ng Comelec ang paghahain ng disqualification complaints laban sa mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong taon sa loob ng limang araw.
Ayon sa isang resolusyon na inilabas ng Comelec, mahalagang maayos ang period ng paghahain ng mga petisyon para sa diskwalipikasyon para makamit ang kampaniya ng komisyon kontra sa maagang pangangampaniya, pagbili at pagbenta ng boto para maprotektahan ang integridad ng halalan.
Mayroong tatlong pagbabago sa paghahain ng disqualification petitions. Una, ang petisyon ay dapat na maihain sa loob ng limang araw subalit hindi dapat lumagpas sa petsa ng proklamasyon ng kandidato matapos madiskubreng nilabag ang Section 68 ng Omnibus Election Code.
Ikalawa, kapag ang isang kandidato ay nasentensiyahan ng paglabag may kinalaman sa moral turipitude, natanggal mula sa posisyon o na-convict sa paglabag sa sinumpaang tungkulin salig sa Section 40 ng Local Government Code of 1991, dapat na naihain ang isang petisyon mula noong maghain ng certificate of candidacy subalit hindi lalagpas sa petsa ng proklamasyon.
Lahat ng grounds para sa diskwalipikasyon ng kandidato ay dapat na maihain sa loob ng limang araw ng COC filing. Ito ay pareho din para sa petisyon para kanselahin ang COC o ideklara ang isang kandidato bilang nuisance.