“Ang P33 nga usbaw sa minimum wage dinhi sa Central Visayas kay gawas nga delayed kaayo, dili pa gyud paigo sa kataas sa presyo sa nag-unang palalaliton ug bayronon sa serbisyo.” (Ang P33 na dagdag sa minimum wage dito sa Central Visayas ay hindi lang delayed kundi kulang pa para makaagapay sa mataas na presyo ng pangunahing mga bilihin at singil sa serbisyo.)
Ito ang naging pahayag ni Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-Kilusang Mayo Uno (Ama Sugbo-KMU) chairperson Jaime Paglinawan matapos ilabas ang Wage Order No. ROVII-24 nitong Setyembre 13.
Sa nasabing kautusan, magiging P458 hanggang P468 na ang arawang sahod ng mga manggagawa sa mga eryang tinaguriang Class A, P425 hanggang P430 sa Class B, at P415 hanggang P420 sa Class C. Mahigit 390,000 minimum wage earner sa mga lalawigan ng Bohol, Cebu, Negros Oriental at Siquijor ang makikinabang umano rito.
Ayon kay Paglinawan, napakalayo ng inaprubahang taas-sahod sa ipenitisyong P100 hanggang P292.50 na umento ng tatlong grupong manggagawa noong Pebrero at Abril 2023. Napakatagal din bago nila ito mapapakinabangan dahil Oktubre 1 ang bisa nito.
Dagdag pa niya, sa kabila ng mga argumento at datos na inilahad ng mga manggagawa sa nagdaang limang public hearing, hindi ito pinakinggan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board VII (RTWPB VII).
“Adunay kapasidad ang mga negosyante sa paghatag bisan pa gani og P170 nga umento sa suholan base sa computation sa Ibon Foundation gamit ang data sa PSA (Philippine Statistics Authority) ug Annual Survey of Philippine Business and Industries 2020,” ani Paglinawan. (May kakayanan ang mga negosyanteng bigyan ang mga manggagawa ng hanggang P170 umento batay sa kompiyutasyon ng Ibon Foundation gamit ang datos mula sa PSA at Annual Survey of Philippine Business and Industries 2020.)
Pagpapatuloy niya, “Bisan dinhi sa Central Visayas nagkadako ang gross regional domestic product (GRDP). P1.135 trillion pagka 2020, P1.196 trillion pagka 2021 ug P1.287 trillion pagka 2022. Kon walay mamumuo, dili ni mamugna ang produkto ug super ganansya nga naa lang sa kamot sa kapitalista.” (Maging dito sa Central Visayas, tumaas ang GRDP na umaabot sa P1.135 trilyon noong 2020, P1.196 trilyon noong 2021 at 1.287 trilyon noong 2022. Kung walang mga manggagawa, walang malilikhang produkto at sobrang tubo ang hawak ngayon ng mga kapitalista.)
Sa huli, nanawagan si Paglinawan sa mga kapwa manggagawa sa rehiyon at sa buong bansa na patuloy na ipaglaban ang nakabubuhay na dagdag-sahod.
Samantala, naghain naman ng apela ang mga manggagawa ng Calabarzon sa RTWPB IV-A nitong Setyembre 14, anim na araw matapos ilabas ang Wage Order No. IVA-20 na nagtatakda ng P30 hanggang P50 umento.
Nauna namang nagtaas-sahod ng P40 sa National Capital Region noong Hulyo, habang patuloy na gumugulong ang ibang petisyon ng mga manggagawa sa iba pang rehiyon.
(Pinoy Weekly)