Kung si TNT champion coach Jojo Lastimosa ang tatanungin, hindi na katakataka na makita si Rondae Hollis-Jefferson kung paano niya ibandera ang bangis sa paglalaro sa FIBA World Cup.
Bitbit ang koponan na Jordan, tila buhat-balikat ng PBA Best Import at champion reinforcement ng TNT ang kampanya ng isa sa mga teams na maswerteng nakakuha ng silya para sa pinakamalaking basketball event sa bansa na ginagawa sa Pilipinas sa unang pagkakataon simula noong 1978.
“I’m not surprised that he has become an impact player for his team,” ang sabi ni Lastimosa habang sinusubaybayan ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup.
“He can affect a team in so many ways. He has proven that to us and he’s been continuously doing that and bringing that same attitude to Jordan.”
Sa kasalukuyang FIBA World Cup, may average na 31.5 points, nine rebound at 3.5 assists si Hollis-Jefferson, dating star player ng Brooklyn Nets sa National Basketball Association, at patuloy na dinodomina ang torneo bagamat hindi ito nagreresulta ng panalo sa Jordan.
Pero ang magandang laro ni Hollis-Jefferson ay hindi dapat ipagsawalang bahala lalo pa at malaki ang maitutulong niya sa TNT sa pagbabalik nito sa 15 Oktubre.
Bago pa ang PBA, muling sasabak sa aksyon si Hollis-Jefferson sa Asian Games sa Hangzhou, China mula 23 Setyembre hanggang 8 ng Oktubre kung saan gigiyahan niyang muli ang Jordan.
Isang bagay ang sigurado – babalik na nasa magandang kundisyon si Hollis-Jefferson kung saan inaasinta ng kanyang koponan ang masikwat ang ikalawang sunod na kampeonato.
Sariwa pa sa mga PBA fans ang magandang inilaro ni Hollis-Jefferson sa nakaraang Governors’ Cup kung saan inalis nila sa trono bilang kampeon si Juston Brownlee at ang Barangay Ginebra.
Ito ang unang pagkatalo ni Brownlee, isang six-time champion, sa finals series.
Magkakaroon muli ng pagkakataon na magharap ang bagong magkaribal na imports sa PBA, pero may nais patunayan si Hollis-Jefferson at ang miyembro ng Tropang Giga na ito na ang kanilang panahon para magdomina.
Ang mga laro sa FIBA World Cup at paparating na Asian Games ang maghahanda kay Hollis-Jefferson para sa bagong misyon sa PBA.
Isang world-class performance sa isang world-class athlete ang inaasahang sasampa sa bagong yugto ng kampanya ng mga Tropang Giga.