Isiniwalat ng mga otoridad nitong Linggo na ang isang lalaking pinaniniwalaang gunman na namatay sa isang engkwentro sa Rizal Avenue sa Maynila ay wanted umano dahil sa kasong double murder.
Ayon sa National Capital Region Police Office, ang suspek na kinilalang si Wilfredo Marquez Jr., ay wanted umano sa kasong double murder dahil sa pagpatay sa isang pastor at kasama nito sa bayan ng Tumauini, Isabela.
Base sa mga paunang ulat, nakasakay si Marquez at ang kanyang angkas sa motorsiklo nang maharang sila sa checkpoint at nang hinanapan ng dokumento ay agad na bumunot ng baril ang suspek at nakipagbarilan sa mga awtoridad, na nauwi sa kaniyang pagkamatay.
Ayon kay Manila Police District director Brig. Gen. Andre Dizon, wala umanong balak magpahuli ang dalawang sakay ng motorsiklo, na sinita ng mga pulis dahil sa tampered na plaka.
Posible umanong miyembro rin sila ng gun-for-hire group.
Apat ang nasugatan, kabilang ang dalawang pulis, angkas ni Marquez at isang tricycle driver.
Napatay din ang isang babae na naipit sa palitan ng putok ng gunman at mga pulis. Nagbigay na umano ng tulong ang pulisya sa biktima.
Nagpaalala naman ang mga pulis sa publiko na umiwas sa mga delikadong sitwasyon, gaya ng nangyaring shootout. Napansin kasi umano na may ibang bystander pang nag-video at nanood ng nangyaring engkuwentro.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari, lalo’t napag-alamang ang isa sa mga baril na ginamit ng mga suspek ay pag-aari ng isang pulis na nakatalaga sa Calabarzon region.
Samantala, isang lalaki ang natagpuang patay at may mga tama ng bala sa ulo sa loob ng nasunog na sasakyan sa Merida, Leyte.
Ayon sa pulisya, madaling araw noong Huwebes nang ireport sa kanila ang nakitang nasusunog na sasakyan at nang rumesponde ang mga otoridad at nakita na may tao sa loob ng sasakyan na walang plaka.
Ayon sa ilang residente, nakarinig sila ng mga putok ng baril bago makita ang nasusunog na sasakyan.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima.