Para kina Kai Sotto at Scottie Thompson, hindi pa tapos ang kanilang pakikipaglaban para sa final roster ng Gilas sa FIBA World Cup.
Tinapos ni Sotto at ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang mala-telenobelang drama kung saan nabigyan na ng permiso ng kanyang doktor ang second generation player na mabigyan ng pagkakataon na makalaro sa pinakamalaking torneo ng basketball na gagawin sa bansa mula 25 Agosto hanggang 10 Setyembre.
Nagsimula nang mag-ensayo ng full contact drills ang 21 anyos na 7-3 National Basketball Association aspirant.
Bagamat nakakasabay na sa iba pang mga miyembro ng pool na naglalaban-laban para sa final roster, malayo pa sa kundisyon ang batang player bunga ng pagkakabakante sa laro ng tatlong Linggo.
“He was working hard, but you could tell that he was getting tired at some point and that’s area he needs to work on,” ang sabi ni Al Panlilio, presidente ng SBP.
Ayon kay Panlilio, pinayagan nang maglaro ng kanyang doktor si Sotto, matapos silang makipagusap sa mga doktor ng Gilas.
Bago ang pag-uusap, nagbigay ng mensahe si Panlilio na hindi nila palalaruin si Sotto kung wala itong medical clearance.
Pero nagawaan ito ng remedyo ng magkabilang kampo at inaasahan na ting makakapag-focus si Sotto gayundin ang buong koponan sa kanilang paghahanda.
Handa namang bumalik si Thompson, ang reigning Most Valuable Player ng Philippine Basketball Association, para patunayan na karapat-dapat siyang mapabilang sa 12 manlalaro na sasalang para sa Gilas sa FIBA World Cup.
Galing sa pagkakabali ng kanyang daliri si Thompson matapos makuha ito sa kanilang training sa Lithuania.
Pero tila hindi alintana ni Thompson ang injury at bagamat wala pa sa 100-porsiyento, bumalik siya para maensayo at pinakita na handa siya sa anumang hamon.
“He showed up doing Scottie things,” ang sabi ni Tim Cone, ang kanyang coach sa Barangay Ginebra na nagsisilbi ring assistant coach ni Chot Reyes sa Gilas.
Ngayong narito na sina Sotto at Thompson, tila mas magiging mahirap para sa Gilas coaching staff ang pagpili ng final line up.
Ang deadline ng pagpapasa ng final line up ay hanggang 23 ng Agosto sa team managers’ meeting.