Umabot sa 73 pamilya o 257 na indibidwal ang inilikas sa Sablayan, Occidental Mindoro dahil sa biglaang pagtaas ng tubig sa ilog sa lugar kamakalawa.
Bandang alas-syete ng gabi nang maiulat ng Sablayan MDDRMO ang pagpapatupad nila ng preemptive evacuation sa mga residente ng Sitio Pandan, Barangay Claudio Salgado. Umabot umano hanggang tuhod ang baha sa nasabing lugar.
Ayon kay Mark Jayson Tarinay, ang operation and warning staff officer ng Municipal Disaster Risk Reduction Office, ang mga inilikas na indibidwal ay dinala sa sa barangay hall ng Barangay Tagumpay at sa evacuation center sa Claudio Salgado.
Nananatiling mataas ang baha sa lugar kahapon ng umaga, 10 Agosto.
Nasa state of calamity ang bayan ng Sablayan noon pang nakaraang buwan dahil sa malawakang pagbaha dulot ng walang patid na pag-ulan na dala ng hanging Habagat.