Isang malagim na trahedya ang sinapit ng isang buong pamilya matapos silang ma-trap sa kanilang nasusunog na bahay sa Sta. Maria, Bulacan Martes ng madaling araw.
Patay na sanhi ng suffocation nang matagpuan ang mga biktimang sina Roy Lozano, asawang si Marie Rose, at kanilang dalawang anak na lalaki na may edad 12 at 14.
Ayon sa paunang ulat, natagpuang magkakatabi ang mga bangkay ng mga biktima sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Block 9, El Pueblo Del Rio Subdivision, Barangay Caypombo, Sta. Maria, Bulacan.
Nabatid sa mga saksi na nagsimula umano ang sunog alas-3 ng umaga kung saan mahimbing na natutulog ang pamilya.
Sinubukan umanong apulahin ng mga kapitbahay ang apoy ngunit masyado na umano itong malaki, dahilan para tumawag na sila ng bumbero.
Nabatid na hindi rin nagawang makalabas mula sa second floor ang mga biktima dahil ang bintana ng mga ito ay gawa sa iron grills.
Ang biktimang sina Roy at Marie Rose ay high school sweethearts at masasabing nagsama hanggang sa kanilang mga huling hininga, kasama pa ang kanilang dalawang anak na menor de edad.
“Members of the Judge Juan Luna Alumni Association (Class of 2000 Rizal Section) were so devastated by the sad news. Roy and Marie will be remembered as a successful couple, living their dream of having a happy and contented family,” ayon sa ipinalabas na statement ng mga batchmates ng mga biktima sa Judge Juan Luna High School, kasabay ng pakikiramay sa mga naulila ng mga biktima.