Inihayag ng Department of Health (DoH) nitong Linggo na mas marami pa umanong mas nakamamatay na sakit ang kumakalat ngayon bukod pa sa COVID-19.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, kung ikukumpara kasi ang COVID-19 sa ibang sakit, mas mababa na ang bilang ng tinatamaan nito at mas mababa na rin ang bilang ng mga naoospital at namamatay dahil sa COVID-19.
Dagdag pa niya, karaniwang nasa isa hanggang dalawang pasyente lang ang nadadala sa ospital, at karaniwang may edad at comorbidity.
“‘Yung COVID-19… para na siyang isa sa mga sakit natin. At mas nakamamatay pa ang dengue tsaka leptospirosis at saka tuberculosis,” saad ni Herbosa.
Kung matatandaan, sinabi ng DoH kamakailan na patuloy na tumataas ang mga kaso ng dengue sa bansa habang inaasahan namang dadami ang mga may leptospirosis dahil sa pagbaha.
Pero tuloy pa rin umano ang surveillance ng DoH sa COVID-19 dahil maaari pa rin umanong magka-outbreak.
Naniniwala rin ang Health secretary na naging matagumpay ang vaccination program kaya nakontrol ang COVID-19.
Pinayuhan naman ni Herbosa ang publiko na gusto magpaturok ng bivalent vaccine na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.
Nakikipag-negosasyon na rin umano ang DOH sa COVAX facility para sa panibagong dalawang milyong dose ng bivalent COVID-19 vaccines.