Ipagbibili sa Kadiwa ng Pangulo sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang 4,000 metriko toneladang smuggled na puting asukal mula sa Bureau of Customs, ayon sa Department of Agriculture.
Ang ipinuslit na asukal ay nagmula sa Thailand at nasabat sa Port of Batangas noong Abril 2023 bunsod ng kawalan ng kaukulang dokumento gaya ng Notice of Arrival.
Ang naturang hakbang,anang DA, ay bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para tugunan ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular ang asukal, at makamit ang national food security.
Sabi ng DA, ‘cleared’ ang smuggled sugar for donation at consumption base sa DA-Sugar Regulatory Administration (SRA) Memorandum Circular No. 4, series of 2022-2023 at Republic Act No. 10863 or the Customs Modernization and Tariff Act.
“We firmly believe that, through DA, this donation will reach various local communities and enable our fellow Filipinos to conveniently access sugar,” sabi ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio.
Iniulat ng DA-Surveillance, Monitoring, and Enforcement Group na hanggang noong Hulyo 31, ang retail price ng refined sugar sa mga pamilihan sa Metro Manila ay P86 hanggang P110 kada kilo, ang washed sugar P82 hanggang P90, habang ang brown sugar ay P78 hanggang P90.