HINDI lang malubhang epekto ng dalawang magkasunod na bagyo, Egay at Falcon, ang kalbaryo sa mga ordinaryong Pinoy kundi maging ang patuloy na paglobo ng presyo ng mga bilihin, pasahe at maging ng toll fee.
Ang magkakasunod na linggong big time oil price hike ay nakaimpluwensya sa pagtaas ng halaga ng lahat at ang inaasam na pagbangon mula sa pandemya ay tila malayo sa hinagap.
Ayon sa IBON Foundation mahigit 30 milyong Pinoy ang kakarampot ang sahod at walang matatag na hanapbuhay habang mayorya sa mga pamilya ay wala o maliit ang ipon kaya’t ang dagdag gastos ay napakabigat sa kanilang bulsa.
Kaya naman may katuwiran ang panawagan ng grupong Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI) sa pamahalaan agad na magbigay ng ayuda sa mga mahihirap na Pinoy na pilit iniraraos ang kabuhayan sa gitna ng mga dumaang unos at tumataas na presyo ng mga bilihin.
Nakakalula ang trilyon-trilyong pisong budget ng pamahalaan kada taon pero ni hindi nararamdaman ng taong bayan ang epekto nito sa kanilang buhay.
Parang payaso na tuloy ang tingin nila sa Pangulo habang pinanonood ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), tanong nila, saan galing ang mga magagandang datos na kanyang tinuran?
Saan pamilihan sila pupunta para makabili ng mas murang bilihin na raw?
Maliban kasi sa pagpunta sa iba’t ibang lugar sa loob at labas ng bansa, paminsan-minsan ay kailangang pakinggan niya ang hinaing ng mga naghihikahos niyang mamamayan at hindi panay pambobola lang ng kanyang economic managers ang kanyang gustong marinig.
Kahit anong pilit ang kanyang gawin, kailanma’y hindi magkakatotoo ang pantasyang “The True, The Good, and The Beautiful” ng “Bagong Lipunan” ng kanyang ama.