Walo sa 10 Pinoy ang nakararanas ng kahirapan o mahigit sa dalawang milyong pamilya ang nakakaramdam ng gutom.
Ito ang masaklap na katotohanan na hindi binanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon sa grupong Kadamay.
Anang grupo, sa halip na mga programa at proyektong para sa sahod at trabaho, paninirahan, serbisyong panlipunan, at karapatang pantao ng mamamayang Pilipino, nangunguna pa rin ang “kaunlaran” sa balangkas ng malalaking negosyo at mamumuhunan.
Kahibangan anila tinuran ng Pangulo na bumaba na ang presyo ng bigas, karne, isda, gulay, asukal, atbp.
“Alam ng bulsa ng maralita na nagtutuloy-tuloy ang implasyon, habang danas niya ang pagliit ng halaga ng kaniyang sahod at kita.”
Bukambibig lang anila ang “modernisasyon” sa agrikultura para maging kaaya-aya sa mga dayuha.
Namamatay pa rin anila ang lokal na produksyon dahil sa pagiging import-dependent at export-oriented ng ating ekonomiya.
Nakalulungkot na hindi binanggit ng Pangulo ang pagtatapos ng kontraktwalisasyon, gayundin ang pagpapasa ng batas para sa nakabubuhay na sahod na para sa kadamay ay mga bagay na ‘di pabor sa mga dayuhang kapitalista.
Ipinagmalaki rin niya ang target magkaloob ng isang milyong pabahay kada taon pero hindi ito libre at hindi abot ng bulsa ng maralita ang mahal na amortisasyon dahil pinalobo ng malalaking developer.
Magpapataba ng husto sa bulsa ng malalaking negosyante ang trilyong-pisong Build Better More program habang nasa likod ng listahan ng mga bagong expressway, tulay, airports, at iba pa ay ang patuloy na demolisyon sa maralitang mga komunidad at pagwasak sa kalikasan. Ipinagmalaki pa niya na dito ilalaan ang Maharlika Investment Fund–sa madaling salita, ang buwis ng mamamayan, ipupuhunan sa mga negosyo ng mga developer sa imprastrukturang mas mga negosyo ang makikinabang, sa halip na derektang sa mga serbisyo at imprastrukturang kailangan ng mamamayan.
Mabulaklak ang SONA ng lahat ng naging Punong Ehekutibo ngunit kung totoo lahat ng kanilang sinabi, hindi sana nakalubog sa P14.1 trilyong utang ang Pilipinas.