Tila walang pahinga ang programa ng Gilas Pilipinas women’s basketball kung saan tuluy-tuloy ang kanilang kampanya.
Sa nakalipas na tatlong buwan, dalawang mabibigat na international tournaments ang kanilang mga pinanggalingan – ang Southeast Asian Games sa Cambodia nitong Mayo at ang FIBA Women’s Asia Cup sa Sydney Australia mula 25 Hunyo hanggang 2 ng Hulyo.
Pero hindi dyan magtatapos ang kanilang mga asignatura dahil tatlong mga torneo pa ang kanilang lalaruan, kabilang na rito ang Asian Games sa Hangzhou, China mula 23 ng Setyembre hanggang 8 ng Oktubre.
Ito ang unang pagkakataon na sasabak ang mga kababaihang basketbolista sa Asiad, kaya naman puspusan ang paghahanda ng mga bataan ni head coach Patrick Aquino na siya ring nagsisilbing program director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa women’s basketball.
“This is our first Asian Games tournament, so this is more exciting,” ang sabi ni Aquino. “After our stint in Australia, we had a few days off, then we went back to practice again and hopefully, we can continue doing that.”
“We tried to have all the pool players to see who among them is a better fit coming to the Asian Games. We have two minor tournaments coming into the Asian Games – the Jones Cup in the first week of August and then, the last week of August, the Korean Basketball League,” dagdag pa ni Aquino. “Hopefully, that will be our first Asian Games.”
Magiging sandigan ng Gilas women’s team ang mga mainstays na sina Jack Animam, Afril Bernardino, Janine Pontejos at Chak Cabinbin kasama rin ang mga rising stars na sina Camille Clarin at Khate Castillo.
Magbabalik naman sa programa sina Gabi Bade, anak ng dating Philippine Basketball Association at Metropolitan Basketball Association player na si Cris Bade, Stephanie Berberabe at Sofia Roman.
Nabigo mang masungkit ang ikatlong sunod na gintong medalya, lumikha pa rin ng ingay ang Gilas Pilipinas women’s team kung saan naiuwi nila ang silver medal sa nakalipas na SEA Games at sinundan pa ito ng isa na namang makasaysayang kampanya sa FIBA Asia Cup.
Sa FIBA Asia Cup, pumanganim ang mga kababaihang manlalaro ng Pilipinas, ang pinakamataas na narating ng bansa sa naturang competition.
Kamuntik na ring masungkit ng Gilas women’s team ang isa sa apat na silya na magdadala sana sa kanila sa Olympic Qualifying Tournament kung saan pinahirapan nila ang powerhouse team na New Zealand.
Ngunit nagawa naman nilang manatili sa Division A kahanay ang malalakas na koponan sa Asya na siyang magbibigay tsansa sa kanila para lumaban para sa World Cup at sa Olympics.
Ang mga mas batang kababaihan na lumahok sa under-16 tournament ng FIBA Asian Championship ay nagawa ring umakyat sa pwesto kung saan na-promote sila sa Division A matapos mag-champion sa Division B tournament kamakailan lamang.
Winalis ng under-16 team ng Pilipinas ang Division B kung saan naipanalo nila ang lahat ng kanilang limang laro sa torneo.