Lalagdaan ngayon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para maging ganap na batas ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund bill.
Dumapo sa tengang-kawali ang panawagan ng mga magsasaka at mamamayan na pagkain sa mesa at hindi Maharlika.
Idinuyan ang bayan sa kabi-kabilang mga pekeng reporma — “pagpapalaya sa mga magbubukid mula sa utang,” palimos na P40 dagdag sahod sa mga manggagawa at sagisag na Bagong Pilipinas ng Malakanyang.
Bago ito, inianunsyo ni Finance Secretary Ben Diokno sa Toronto kamakailan na ang bansa ay magde-debut sa Islamic sukuk bond market na may float na $1-bilyon para tustusan ang budget deficit.
Dito ay ibinunyag ni Diokno na ang bansa ay nangangailangan ng $1-bilyon para matustusan ang budget deficit ngunit gumagamit ng hanggang P500 bilyon mula sa Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) at ang pagbebenta ng mga ari-arian ng estado para pondohan ang Maharlika Investment Fund (MIF) sa panahon na ang wealth fund ay nawawala at umuurong sa kanilang mga domestic na ekonomiya.
Bago maging batas ang panukala ng MIF sa pagpupumilit nina Diokno, Rep. Joey Salceda at Rep. Stella Quimbo, maaari rin silang gumawa ng logo at slogan para sa wealth fund na nais nilang likhain mula sa kahirapan at paghihirap ng mamamayang Pilipino at ang milyun-milyong nagbabayad ng buwis na nagbibigay ng tulong sa mga ilusyon at pagpapasiklab ng kanilang mga pinuno.
Tiyak, gagantimpalaan ng Malakanyang ang ganitong pagkamalikhain.
Kailangan nating alalahanin ang obserbasyon ni Victor Hugo, na nagsabi na “the paradise of the rich is made out of the hell of the poor”?