Hindi na mapipiglan ang paglulunsad ng tatlong araw na transport strike, Hulyo 24-26, ng grupong Manibela sa dahilang hindi umano sinunod ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang dati nilang napagkasunduan na hindi tatanggalan ng prangkisa ang hindi sasali sa kooperatiba.
“At napansin ko, binabali ng ating secretary ng DoTr ang sinabi po ng Pangulo. Mas magaling na po siya sa ating Pangulo. At mukhang siya na po ang ibinoto ng ating taumbayan. Dinesisyunan na niya ang mga gugutumin sa mga kasamahan namin sa pampublikong transportasyon, ”sabi ni Mar Valbuena, pangulo ng Manibela sa programang Ted Failon at DJ Chacha kaninang umaga.
“Nasa 200,000 ang nagkompirma sa amin , bawat pederasyon ng region na kausap namin at sumama sa amin. Sa Metro Manila, hindi bababa sa 50,000 ang sasali,” aniya.
Giit ni Valbuena, pinaiikot lang sila ni Bautista, kunwari ay nakipag-usap sa kanila dati pero ang totoo ang buo na ang desisyon na hanggang 31 Disyembre 2023 na lang ang kanilang mga prangkisa.
“Mukhang kitang-kita ko na po ang ginagawa niya na pagpapaikot nya sa amin. Kunyari pag-usapan pero nluluto na po kami talaga sa aming sariling mantika. May desisyon na po talaga sila na hanggang Disyembre 31 na lang po kami dahil ang complaint po sa kanila, kahit mag-consolidate kami, ang inaalagaan nila ay ang mga nauna nang nag-modernize na hindi kumikita para wala ng kakompitensya, kailangan mawala na kami,” paliwanag niya.
Gayunman, umaasa si Valbuena na mapakinggan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.ang kanilang hinaing.
“Sana pakinggan ng ating Pangulo na maibalik ang aming prangkisa na ang validity ay limang taon at yung mga ruta na existing na.
Matatandaan noong 7 Marso 2023 ay nakipag-dayalogo si Valbuena at iba pang transport leaders sa Malacanang hinggil sa PUV Modernization Program na isinusulong ng gobyerno.
“Hindi na ipipilit ang pagsali sa koopeariba dahil ‘yun din po ang napag-usapan namin sa meeting. Hindi na ipipilit at bibigyan laya, ‘yun din po ang ating kahilingan . Ang jeep kung maayos pa ay papayagan pa rin tumakbo sa kalsada, “ sabi ni Valbuena matapos ang dayalogo kina
Bukod kay Valbuena, dumalo rin sa dialogue si PISTON president Mody Floranda, isang opisyal mula sa Office of the Executive Secretary at Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, dating pinuno ng LTFRB.