Binawian ng buhay ang isang Dabawenyo singer nang matumba mula sa sinasakyang motorsiklo at masagasaan ng sasakyan sa Cabantian Road, Davao City.
Batay sa report ng GMA Regional TV “One Mindanao,” nasawi ang biktimang si Mark Ken Mariscal, 28-anyos, na mas kilala bilang si Ken Mariscal.
Ayon kay Buhangin Police Station Chief, Major Joenel Pederio, sinabi ng kasama ni Mariscal na dakong alas-2:30 ng umaga noong Linggo ay galing sila sa gig at tumigil sandali para umihi.
Nawalan umano ng balanse si Mariscal at natumba papunta sa bahagi ng kalsada.
Nagkataon naman na may paparating na puting sasakyan at nahagip ang biktima.
Tinangka umano ng kasama ni Mariscal na pahintuin ang sasakyan pero sa halip na tumigil ay mabilis itong pinaharurot.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang CCTV camera sa lugar para malaman kung sino ang nagmamaneho ng sasakyan.
Nanawagan ang pamilya ni Mariscal sa driver na nakasagasa sa singer na sumuko na.