Plano ng Department of Justice (DOJ) na sampahan ng economic sabotage case ang mga nasa likod ng umano’y onion cartel na itinuturong dahilan sa paglobo ng presyo ng sibuyas noong nakaraang taon.
Nakasaad sa Republic Act 10845 or the Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 na ang large-scale agricultural smuggling ay isang economic sabotage.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang mga lumutang na pangalan sa Congressional inquiry sa usapin ay lumabas din sa kanilang imbestigasyon.
“There are around 6 or 7 names that come out when we look at the whole picture. So we have a very good idea, we just have to catch them in the act,” sabi niya sa media briefing kahapon
Ngayong may direktiba na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagbuo ng Anti- Agri Smuggling Task Force, marapat lamang na kumilos na sila ng todo lalo na ang Department of Agriculture (DA) dahil may P200 milyong budget ang kanilang sariling Anti-Smuggling Task Force,
Matatandaang nilaro ang presyo ng sibuyas kaya umabot ito sa P700 isang kilo noong Kapaskuhan ng 2022 mula sa presyong P60 kada kilo noong Mayo 2022.
Nakontrol ng cartel ‘yung produce o ani ng ating mga magsasaka ng sibuyas, bibilhin ng February, March, April, nilalagay lang pala sa cold storage ‘yan, tapos Septembre, October, November, December ilalabas kasama na rin ang mga imported kasi wala ng harvest ang Pilipinong magsasaka ng sibuyas.
Ang aabangan ng marami ay kung maiimbitahan sa task force investigation ang kolumnistang si Ramon Tulfo na may nalalaman daw na mga sensitibong impormasyon hinggil sa onion cartel.