Sa “galing” ng pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa ilalim ng Department of Agrarian Reform (DAR), siguradong hindi maisasakatuparan ang pangako ng administrasyon Marcos Jr. na sakupin ang mga dambuhalang asyenda at ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka, na patuloy na nabubuhay bilang kasama o sakada.
Naglunsad ang mga magsasaka sa Bacolod sa ilalim ng Task Force Mapalad (TFM) ng protesta noong Mayo 2023 laban sa kilos-suso ng DAR higit isang taong ipinangako ng Malakanyang na ipamumudmod na nito ang daan-libong ektarya ng lupang pag-aari ng mga panginoong maylupa at idinagdag pa na pati ang mga nakatiwangwang na lupain ng pamahalaan ay ipamamahagi na rin.
Nag-anibersaryo ang CARP noong nakaraang buwan, lipos pa rin ng lumbay ang mga magsasaka dahil bukod sa binuburo ang kanilang mga claim folders, takot pa rin ang DAR na imbestigahan ang mga asendero.
Kahit na mismo ang Adminsitrative Order No. 2 (Series of 2020) ng DAR ang nagsasabing patuloy na uusad ang land acquisition and distribution (LAD) kahit na may protesta at land conversion petitions, bantulot pa rin ang DAR sa installation ng mga magsasaka.
Ikinalungkot ni Rolando C. Derder, ang pangulo ng Siete Marias Agrarian Reform Beneficiaries Association (SMARBA), ang katotohanan na ang DAR mismo ay tila walang ngipin sa pakikitungo sa mga may-ari ng lupa.
“Simula po ng 2013 na po kaming pabalik-balik at follow-up sa DAR, nagkaroon na po ng approved survey plan pero kakanselahin daw ang survey dahil ayaw ng landowner papasukin ang DAR para gumawa ng field investigation. Ilang taon na kaming maghihintay,” reklamo niya.
Hindi maintindihan ni Celia Bellero, isang farmer-beneficiary sa Hacienda Valderrama, kung bakit hindi naglalabas ang Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) ng notice of CARP coverage sa mga lupang lupain.
“Di namin maintindihan, may utos ang DAR central office na ipagpatuloy na ang coverage, ayaw naman po ni PARO ipagpatuloy. Ano po ang gagawin namin na malinaw sa batas at kautusan na ipagpatuloy ang coverage sa lupa namin?” tanong niya.
Ang DAR, Land Bank of the Philippines (Land Bank) gayundin ang Department of Budget and Management (DBM) ay pawang nabigo na magbigay ng mga pondong kailangan para sa kabayaran ng may-ari ng lupa at walang naibigay na pera mula noong Oktubre 2022 sa sinumang may-ari ng lupa.
Ang lohikal na resulta nito ay ang hakbang ng mga may-ari ng ari-arian sa pagpapalit ng lupa, paglilipat ng klasipikasyon ng lupa mula sa agrikultura tungo sa komersyal, o ang kanilang conversion sa mga memorial at industrial park.
Inakusahan din ng TFM ang DAR na sadyang nagtanggal o nagparada ng malaking bilang ng mga claim folder at hindi pinabilis ang pagkuha sa lupa na may inisyu na notice of coverage (NOCs.)
Ang atraso ng DAR ay abot-langit at ang tanging paraan upang ipakita na ginagawa nito ang trabaho nito ay ang mag-ulat. ang gawain nito sa backlog upang makamit ang “stellar accomplishments” na lampas sa 100%.
Walang naiulat na aksyon sa planong ipamahagi ang lupang pag-aari ng gobyerno, na malinaw na magagawa, ngunit sasakupin ba ng plano ang malalaking reserbasyon ng militar na hindi ginagamit para sa produksyon ng pagkain o bahagi ng mga kampus sa kolehiyo at unibersidad na maaaring magamit para sa pagsasaka?