LUMILIIT na ang mundo sa social media ni Pastor Apollo Quiboloy , founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at may-ari ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Tinanggal ng TikTok, isang subsidiary ng China-based ByteDance, ang account ni Quiboloy na @pastor_acq bilang pagsunod sa ipjnataw na sanctions laban sa KOJC founder, kasama rito ang pagbabawal na pagkalooban siya ng produkto at serbisyo.
Kinompirma ng TikTok Philippines na ang ban sa account ni Quiboloy ay pagtalima sa mga parusang ipinataw ng Amerika sa KOJC founder bunsod ng kinakaharap nitong kaso sa US na child sex trafficking at cash smuggling.
Ayon sa Twitter user na si @DuterteWatchdog (DW), ipinabatid niya sa TikTok ang tungkol sa “compliance with applicable US sanctions laws” ng account ni Quiboloy.
Sumulat rin aniya siya sa iba pang social media platform gaya ng Facebook, Instagram, at Twitter, ngunit magpa-hanggang ngayon ay wala pa itong tugon.
May umuusad din na online petition ang Gabriela USA at Malaya Movement USA na nanawagan sa META at Twitter na alisin sa kanilang platform ang account o pages ni Quiboloy at ng SMNI.
Giit ng US-based women’s groups, tinutulungan ng SMNI ang trafficking ring ni Quiboloy at nagsisilbing tagapamandila ng mapanganib na “disinformation and red tagging.”
Nauna rito’y na-ban ang account ni Quiboloy sa video-sharing website na Youtube sa kadahilanang na-violate nito ang community standards ng plataporma sanhi ng pagkabilang ng KOJC founder sa US Federal Bureau of Investigation (FBI)’s most wanted list.