NAGLABAS ng statement of support kamakailan ang Management Association of the Philippines (MAP), isa sa malalaking grupo ng mga namumuhunan sa bansa, kaugnay sa privatization ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil nakikita nilang ito ang magiging solusyon para lalong mapalago ang turismo ng bansa.
Naniniwala ang MAP na tanging ang private sector ang may kakayahang isaayos ang NAIA mula sa obvious na hindi episyenteng pamamalakad ng gobyerno, partikular ang Department of Transportation (DoTr).
Sa simula pa lamang ng taong 2023 ay nagdilim at nawalan ng power supply ang NAIA, na sinundan noong 1 May o Labor Day at ang pinakahuli noong 10 June, dahilan para mabalam ang mga flights at matengga sa airport ang libu-libong local at international travelers.
Hindi lamang ang paliparan ng bansa ang dumaranas ng delubyo, lalo na tuwing peak season, dahil maging ang mga terminal ng bus at pantalan sa bansa ay kabi-kabilang aberya din ang dinadanas sa panahon ng long holidays at weekends, kaya sa umiinit ang ulo ng mga pasaherong nais sanang mag-relax sa mga probinsya at tourist destinations.
Ngunit saan at kanino nga ba ang problema? Sa mga opisyal ba ng gobyerno? Sa transportation stakeholders? O sadyang dumami na ang mga pasahero at manlalakbay dahil sa tinatawag na revenge travels?
Ayon sa MAP, nangangailangan na ng upgrade ng runway ng NAIA; ang expansion ng aircraft movements, passenger capacity, at enhancement ng operating and maintenance processes, at ang implementasyon ng teknolohiya sa paliparan.
Matatandaang bago matapos ang taong 2022 ay tinuran ng travel website hawaiianislands.com ang NAIA bilang isa sa worst airports sa Asya at sa mundo, habang inani din ng NAIA noong November 2022 bilang pangatlo sa buong mundo na “Most Stressful Airports in the World,” matapos ang ginawang pag-analisa sa 1,500 Google reviews sa mahigit 500 airports sa buong mundo.
Nakasama ng inyong lingkod si Tourism Secretary Christina Garcia Frasco kamakailan at tinanong ko siya kung suportado ba niya ang airport privatization. Isang sagot lang ang natanggap ko, at ayon sa kanya, suportado naman daw nya pero “dapat ang DoTr ang tanungin at hindi ang DoT.”
Paano mo maisasakatuparang maging world class at number one tourist destination sa Asya o sa mundo ang Pilipinas, kung laging delayed, canceled o ‘di kaya’y rebooked ang flights ng karamihan?
Paano mo maibebenta ang Pilipinas kung pagdating ng mga turista rito ay malalang traffic ang sasalubong sa kanila?
Paano sila makararating sa island destination kung ang mga pantalan naman ay kulang sa barko? (Buti na lang may pa-lugaw ang Philippine Ports Authority (PPA) kapag stranded ka sa pantalan.)
Ayon naman sa isang undersecretary ng DoT, tumulong na silang mapaganda ang mga paliparan at nilaanan nila ito ng malaking budget. Hirit ko naman: “Hindi sapat ang ganda ng airport kung delayed ng isang oras o higit pa ang mga flights.”
Dito na natin ipasok ang whole of government approach na ating naririnig sa gobyerno. Imbes na magturuan, tumulong ka na lang sa pagbibigay ng solusyon.
Maikuwento ko lang. Nitong Byernes ay pabalik na ang team ng DoT, partikular sila DoT Secretary Frasco sa Maynila mula sa Davao. Alas- 2 ng hapon ang kanyang flight. Ending, delayed din ang kanyang flight sa Davao International Airport.
Peace!