May kagyat na pangangailangan para sa isang Magna Carta for Air Passengers dahil lumalala ang kapalpakan sa serbisyo ng ilang airline companies, lalo na ang Cebu Pacific.
Enero 2023 unang inihain ng Makabayan bloc ang isang panukalang batas na naglalayong magtatag ng Magna Carta para sa airline passengers dahil noon pa may mga reklamo na laban sa CebuPac.
Ngayong nalantad ng husto ang talamak na reklamo laban sa CebuPac, nakikita na ang kahalagahan ng House House Bill 6738, o ang Magna Carta for Air Passengers.
Nakasaad sa HB 6738 ang mga karapatan at obligasyon ng parehong mga pasahero at air carrier, gayundin ng mga ahensya ng gobyerno na nakikitungo sa mga pasahero at airline.
Sinabi ni Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, isa sa mga may-akda ng HB 6378, kailangang magkaroon ng matinding parusa na ipapataw sa airline companies na grabe ang kapabayaan at palakasin ang bill of rights ng mga pasahero.
Sa isinagawang pagdinig sa Senado kaugnay sa usapin noong Miyerkules, humingi ng paumanhin ang CebuPac at ikinatuwiran na may mga problema sa supply-chain sa Pratt & Whitney, ang mga tagagawa ng mga makina para sa Airbus fleet nito at may pagkaantala sa paghahatid ng mga sasakyang panghimpapawid nito.
Para kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, palusot lang ito ng naturang airline company dahil kung sakali man totoo ang alibi,saril aniyang lookout ‘yan ng kompanya.
Giit ni Rodriguez,hindi dapat pahirapan ang publiko dahil sa kanilang kawalan ng kakayahan kaya ang panukala niya, suspendihin ang prangkisang ipinagkaloob ng Kongreso sa CebuPac.
Pinasisibak din niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Civil Aeronautics Board (CAB) pati si Transportation Secretary Jaime Bautista sa pagkabigong patawan ng parusa ang CebuPac sa kabila ng tambak na reklamo laban sa kompanya.
Hindi rin aniya nagagampanan ng CAAP ang mandatong maayos na pagmamantine ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nasa kamay na ni Pangulong Marcos ang pagpapasya sa agarang solusyon sa mga aberyang idinulot ng CebuPac sa publiko.
Habang obligasyon ng Kongreso na magbalangkas ng batas na magtitiyak na mananagot ang airline companies sa kanilang dispalinghadong serbisyo at bigyan ng dagdag na proteksyon ang airline passengers.