Inihayag ng Department of Justice (DoJ) nitong Lunes na nasa kabuuang P3 milyon na ang pabuyang ibibigay ng ahensya sa mga makapagbibigay ng impormasyon para madakip sina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at dating deputy officer Ricardo Zulueta na suspek sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon kay Justice spokesman Asec. Mico Clavano, nasa P2 milyon ang nakalaang pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon upang madakip si Bantag, at P1 milyon naman para kay Zulueta.
Kung matatandaan, nahaharap sina Bantag at Zulueta sa kasong pagpatay kina Percy Lapid at Jun Villamor, na umano’y middleman sa pagpatay sa nasabing mamamahayag.
“It is crucial that these individuals are brought to justice and held accountable for their alleged actions. Your cooperation can make a significant difference in ensuring the swift apprehension of Bantag and Zulueta and providing closure to the families of the victims,” saad ni Clavano.
Dagdag pa niya, magiging lihim ang pagkakakilanlan ng sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa kinaroronan nina Bantag at Zulueta.
Ang sinuman na nais na magbigay ng impormasyon ay maaaring tumawag sa 0945 831 058 at 0928 416 9585, ayon kay Clavano.
Una rito, nagpalabas na ng arrest warrant laban kina Bantag at Zulueta ang Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 206 at Las Piñas Regional Trial Court Branch 254, kaugnay sa nangyaring pagpatay kina Lapid at Villamor noong Oktubre 2022.
Bukod dito, may iba pang kaso na kinakaharap sina Bantag at Zulueta kaugnay sa naging pamamahala noon sa BuCor.
Kung matatandaan, iniutos ng Muntinlupa court na arestuhin sina Bantag at Zulueta noon Abril ngayong taon at nakasaad sa arrest warrant walang piyansa na inirerekomenda sa dalawang dating opisyal para sa kinakaharap na kasong murder kaugnay sa pagkamatay ni Villamor.
Sa isinagawang awtopsiya ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun sa mga labi ni Villamor, lumabas na pinatay ang biktima sa pamamagitan ng pagsuklob ng plastic sa ulo nito hanggang sa hindi makahinga.