Naging matagumpay ang taunang pagdiriwang ng Kangga Festival sa bayan ng Mogpog kasabay ng piyesta ng patron na si San Isidro Labrador.
Itinampok sa nasabing okasyon ang mga patimpalak sa pagandahan ng kangga, paggawa ng niyubak o tinudtod na saging na may gatas at iba pang sangkap at ang pagluluto ng adobo sa dilaw o adobohan kung saan ay siyam na distrito mula sa 37 barangay ang mga lumahok.
Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ang pormal na pagbubukas ng mga paligsahan na sinimulan sa pamamagitan ng parada ng mga makukulay at naggagandahang mga kangga mula sa iba’t ibang barangay.
Idineklarang kampeon ang mga barangay ng Sumangga, Danao, Anapog-Sibucao at Mangyan-Mababad sa ilalim ng District 3 para sa kategorya ng Yubakan. Sinundan ito ng District 4 na binubuo ng mga barangay mula sa Bintakay, Capayang, Ino at Candahon habang nakamit ng District 9 o mga barangay mula sa Lamesa, Tarug, Pili at Mendez ang ikatlong pwesto.
Para sa kategorya ng Adobohan ay nasungkit ng District 4 ang unang pwesto at sinundan ito ng District 8 na binubuo ng mga barangay ng Hinadharan, Sayao, Paye at Guisian. Nakuha naman ng District 7 o mga barangay ng Balanacan, Argao, Hinanggayon at Silangan ang ikatlong pwesto.
Itinanghal naman bilang kampeon ang ikalawang distrito na binubuo ng mga barangay ng Nangka-1, Nangka-2, Janagdong at Laon sa patimpalak ng pagandahan ng kangga habang hinirang muli ang ika-apat na distrito sa pangalawang pwesto. Tinanggap naman ng ika-anim na distrito mula sa mga barangay ng Puting Buhangin, Banto, Bocboc at Butansapa ang ikatlong parangal. Ang mga nagwagi ay tumanggap ng premyong nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P25,000 kasama na ang Katibayan ng Pagkilala.
Ang kangga ay isang paragaos na gawa sa kawayan at hinihila ng kalabaw na ginagamit na sakayan sa pag-angkat ng mga produkto ng magsasaka mula sa kanilang tahanan patungo sa pamilihan. Ito ay isa sa mga naging pangunahing paraan ng transportasyon ng mga mamamayan sa Mogpog noong unang panahon na hanggang sa ngayon ay ginagamit pa rin ng mga magsasaka sa lugar.