Iniulat ng mga otoridad na iniimbestigahan na nila ang isang kaso ng pag-abandona sa isang bagong silang na sanggol na natagpuang wala ng buhay sa isang imburnal sa Sampaloc, Maynila nitong Miyerkoles.
Bandang alas-5 ng madaling-araw nakuhanan ng CCTV ang isang babaeng naglalakad sa Maria Cristina St. corner España Boulevard sa Barangay 478 at maya-maya pa’y umupo ang babae sa tabi ng imburnal. Sinilip muna niya ang butas sa drainage bago pasimpleng itinapon ang isang eco bag.
Pinilit din niyang isiksik ang eco bag sa imburnal. Nagtagal pa ng ilang minuto ang babae bago ito umalis.
Bandang alas-6 naman ng umaga nang mapansin ng isang streetsweeper ang tila nakabarang bagay sa imburnal.
Umalingasaw rin ang masangsang na amoy kaya humingi na siya ng tulong sa barangay tanod para makuha ang eco bag.
Nang buksan nila ito, bumungad sa kanila ang bangkay ng hinihinalang bagong silang na sanggol.
Dinala sa isang punerarya ang bangkay ng sanggol na nakakabit pa ang umbilical cord o pusod.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, hindi nila kakilala ang babae. Patuloy ang backtracking ng mga awtoridad para malaman ang pagkakakilanlan nito.